SOG MEMBER NG PUBLIC MARKET TIKLO SA BUY BUST

ARESTADO ang isang miyembro ng Special Operation Group (SOG) ng Pasig City Public Market sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa.

Ayon kay Eastern Police District Director BGen. Wilson Asueta, inaresto ang SOG member na si Ameril Ampuan alyas Ameril, 30-anyos, binata makaraang makatanggap ng tawag sa telepono kaugnay sa mga illegal na gawain nito.

Matapos ang mahabang surveillance, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng EPD, dakong alas-2 kamakalawa ng madaling araw sa kahabaan Esguerra Street sa harap ng De Paz Junk Shop, Pinagbuhatan, Pasig City.

Nakumpiska ang mga ebidensyang may kinalaman sa droga mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 17.28 gramo at nagkakahalaga ng P117,504.00.

Matapos maimbentaryo ang mga narekober dinala ang suspek sa District Drug Enforcement Unit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago ang kanyang Inquest Proceedings sa Pasig City Prosecutor’s office sa paglabag sa Sections 5 (Selling) at 11 (Possession) Art. II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ipinagmamalaki naman ni BGen. Asueta ang naging operasyon ng mga operatiba ng EPD.
“Ito ay talagang isa pang malaking testamento ng aming walang humpay na pagsisikap na ganap na puksain ang network ng mga operasyon ng droga sa loob ng Metro East at titiyakin namin na makakamit ang isang Drug free community,” anito. ELMA MORALES