SOGIE EQUALITY BILL, SUPORTADO NI SEN. BONG GO

bong-go

SUPORTADO ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang isinusulong na batas na Sexual Orien­tation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill ni Sen. Risa Hontiveros.

Ayon kay Sen. Go, bago pa man umapela si Sen. Hontiveros sa kanyang mga kapwa senador na tulu­ngan siyang maipasa ang SOGIE Equality Bill ay matagal na niyang suportado ang LGBT community.

Sa pahayag ni Sen. Go, lahat tayo ay pantay-pantay ano man ang kasarian, kaya hindi nito nagustuhan ang naging asal ng isang janitress ng isang mall sa Quezon City, kung saan ay hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng comfort room ang transwoman na si Gretchen Diez.

Sa ginawang manifestation of support ni Sen. Go, sinabi niya na nilapitan siya ng senadora at ni Representative Geraldine Roman at hiniling ang kanyang tulong para maipasa ang naturang panukala.

Tiniyak naman ni Go, na susuporta siya sa panukalang batas, at sinabing sa kanilang lugar sa Davao ay matagal nang umiiral ang ordinansang nagbibigay at nagbabantay ng pantay na karapatan sa LGBT community.

“Suportado ko po ito. In fact, sa Davao po, mayroon kaming Anti-Discrimination ordinance. It declares as unlawful the acts and conduct of discrimination based on sex, gender identity, sexual orientation, race, color, descent, national or ethnic origin,” anang bagitong senador.

Nanawagan rin si Go sa publiko na tiyaking ang lahat ng mga mamamayan ay tatratuhin nang patas partikular na ang kabilang sa gender minorities, na malaki rin aniya ang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.

“We are all equal under the law and it is our duty in this institution to ensure that all Filipinos – regardless of their age, sex, religion, ethnicity or gender orientation – are treated equally and justly,” pahayag pa ni Go.

Aniya, dapat na isulong sa Filipinas ang kultura ng pagtanggap sa kapwa, ano man ang kasarian nito upang matiyak na ang ating mga anak at mga susunod pang henerasyon ay makapamuhay nang walang diskriminasyon sa halip ay pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat isa.

Comments are closed.