SOGIESC EQUALITY BILL NA NAGPOPROTEKTA SA KARAPATAN NG LGBTQIA+ COMMUNITY SINUPORTAHAN

SINIGURO ni House Deputy Majority Leader, ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, na suportado niya ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality bill sa Kongreso upang protektahan ang mga karapatan ng LGBTQIA+ community sa bansa.

Sa kanyang interpelasyon nitong Miyerkoles sa panukalang batas na pinangunahan  ng author nito na si Bataan Rep. Ge­raldine Roman, ipinahayag ni Tulfo ang kanyang  kasiyahan sa nasabing panukala.

“Now, I would just like to point out before I close, being a Catholic, a Roman Catholic, a former semina­rian, the Catholic Church, though considered a conservative religion  through Pope Francis now supports civil legislation that gives same-sex couples rights  in areas such as pensions, health insurance, and inheritance,” ani Tulfo.

“The Roman Catholic Church now accepts same-sex attraction, and it says that it is  not sinful. And it welcomes everybody in the house of God, including the LGBT  community. Therefore, Mr. Speaker, I support the passage of this bill,” dagdag ng mambabatas.

Bilang tugon, kinilala naman ni Cong. Roman, si Rep. Tulfo at ang kapatid nito na si  Sen. Raffy Tulfo, dahil sa kanilang mga “gender sensitive” na programa sa radyo at  palaging pagsuporta sa LGBTQIA+ community.

“Nais ko rin pasalamatan sana ang ating nagtatanong ngayong hapon si Rep. Tulfo  sapagkat sa kanyang programa sa radyo at kahit na rin po ang kay Sen. (Raffy) Tulfo na programa, ay napaka-gender sensitive nila,” sabi ni Roman.

“Natutuwa po ako na mga taong lumalapit sa kanila na bahagi ng LGBTQIA  community ay tinatrato na may paggalang, tinatanong muna ano ba ang iyong pronoun of choice at wala po silang nararanasan na diskriminasyon,” dagdag ng mambabatas.

Sinabi rin ni Roman na dapat tularan ng media ang magkapatid na Tulfo.

“Sana ganito lang po, sa pamamagitan ng mga magagandang halimbawa sa media po, mainstream media. At dumadami naman po, syempre, sa social media ang sumusuporta sa panukalang batas na ito, ay mapapalaganap natin at mapaparating sa bawat sulok ng ating bansa ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang batas na magpoprotekta laban sa diskriminasyong nakabase sa SOGIESC at sexual orientation and gender identity and expression,” ani Roman.

Sa kanyang interpelasyon, nais siguraduhin ni Tulfo na ang panukalang batas na nagbabawal ng diskriminasyon ay tunay na makakatulong sa ekonomiya at makakahikayat din ng dayuhang pamumuhunan sa bansa.

Bilang isang media practitioner, iminungkahi rin ni Tulfo ang isang epektibong kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon upang ipaalam sa publiko ang tungkol sa nasabing anti-discrimination bill.