SOLAR POWER SA GOV’T OFFICES

SOLAR POWER

ISUSULONG ni Senate President Pro-Tempore Ralph G. Recto ang paggamit ng solar energy system sa lahat ng gusali at tanggapan ng pamahalaan alinsunod na rin sa mandato ng renewable energy (RE) resources at para magkaroon ng malaking kabawasan sa singil sa koryente.

Sa Senate Bill No. 48 o ang panukalang Solar Energy on National Government Offices, ire-require ang mga gusali na maglagay ng solar energy system na may kapasidad na mag-supply ng 50 porsiyento ng electric power requirements sa mga tanggapan ng pamahalaan sa loob ng limang taon.

Sa panukala ni Recto, unti-unti ang pagbuo ng solar energy system sa pamamagitan ng inisyal na supply na 10 porsiyento sa unang taon ng implementasyon nito hanggang sa makompleto ang 50 porsiyentong supply sa loob ng limang taon.

Ang pagsasaayos ng solar energy system sa mga gusali at tanggapan ng gobyerno ay sisimulan sa loob ng 60 araw sa sandaling maipasa at maisabatas ang nasabing panukala.

Binigyang-diin ni Recto na ang gastos sa paglalagay ng solar energy system ay kukunin sa pondo ng government agencies at ang mga kasunod nito ay isasama na sa General Appropriations Act (GAA).

Ang mamamahala sa nasabing panukala ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa koordinasyon ng Department of Energy (DOE). VICKY CERVALES

Comments are closed.