MUNTIK nang magbayad ng P200,000 si Solenn Heusaff sa isang klase ng alak na kanyang nabitiwan at nabasag sa sahig. Makikita ang pangyayari sa YouTube channel ng kanyang kaibigan na si Isabel Daza nang bumisita ang mag-asawang Solenn at Nico sa isang wine store.
Kinuha ng manager ng store ang nabasag na alak at sinabi na nagkakahalaga ito ng P200,000 . Nilaro-laro kasi ni Nico ang bote ng alak na kung saan pinalipat-lipat pa nito sa kanyang kamay at saka ibinato kay Solenn na hindi nasalo kaya nabasag sa sahig.
Kitang-kita sa mukha ni Solenn ang matinding pagkagulat sa pangyayari at panay ang tanong kay Nico kung ano ang ginawa nito, na sinagot naman nito na gusto lang niyang ma-stress si Solenn.
Hindi maiiwasan na magkaroon ng tension pero kaagad naman sinabi ni Solenn na babayaran na lang niya ang nabasag na alak na ayaw naman pabayaran ni Nico. Kahit na sinabi ni Solenn na galing sa kanya ang pambabayad sa nabasag na alak.
Habang nagtatalo ang mag-asawa ay may isang lalaki ang lumapit at nag-request kung puwede magpakuha ng larawan kasama si Solenn dahil fan pala niya ito. Pero itinulak ni Nico ang lalaki na ikinagulat at ikinabaliw ni Solenn. Sinabihan nito si Nico na tigilan ang pagtulak sa lalaki.
Nasa kalagitnaan na ang mainit na tension ng mag-asawang Solenn at Nico at pati na ang manager ng store, nang biglang lumantad si Isabel para sabihin na prank lang ang lahat. Kinutsaba ni Isabel ang store manager at pati na rin ang lalaking magpapakuha ng larawan at si Nico para i-prank si Solenn. At hindi rin totoo na P200,000 ang presyo ng nabasag na alak.
Dahil sa nangyari ay lalong bumilib si Isabel sa kaibigang Solenn dahil nakahanda nitong bayaran ang alak kahit sobrang mahal ang presyo.
AMERICA’S GOT TALENT WALA NANG KREDIBILIDAD
NAWALAN na raw ng kredibilidad ang America`s Got Talent dahil hindi tinanghal na grand champion si Marcelino Pomoy.
Naglalabasan sa mga vlog ang iba`t ibang obserbasyon sa pagmamanipula raw ‘di umano ng isa mga hurado na si Simon Cowell para hindi manalo ang Pinoy Pride na si Pomoy.
Sa YouTube channel ni Katalinuhan P, binusisi niya ang record na naitala ni Marcelino mula umpisa hanggang sa pagkanta niya ng Beauty and The Beast na kung saan ay na-impress niya ang mga hurado.
Ayon sa kanya, halos lahat ng mga YouTuber ay naniniwala na may pinakamaraming views ang bawat performance ni Marcelino lalo na raw nang kantahin nito ang Time To Say Goodbye na naging number one sa YouTube noong mga sandaling ‘yun.
Puwede na nga raw mahilera si Marcelino kina Jennifer Lopez at Sakira sa performance na ginawa nila sa Super Bowl kung paramihan ng views daw ang pag-uusapan.
At kahit saan daw survey si Marcelino ang sinasabing dapat tanghaling champion sa AGT.
Halata at ramdam na ramdam daw nila na ayaw ni Simon kay Marcelino. Napuna nga ng YouTuber na si Master Lee na madalas na negative ang comment ni Simon kay Pomoy.
Napansin din ng isa pang YouTuber ang parehong appearance ni Simon na pareho ang suot na T-shirt at pareho rin ang background ng audience. Mistulang recycled raw ang content ng comment nito at pati ang naging hand gesture ni Simon.
Ang ikinagulat din daw nila ay ang pagkuwestiyon ni Simon sa naging choice ng kanta ni Marcelino na Beauty and The Beast samantalang mismong si Simon naman daw ang siyang pumili ng naturang kanta.
Tila sadya raw ‘di umano na sinabotahe talaga ni Simon ang ating Pinoy Pride.
Tapos na nga at talunan si Marcelino Pomoy pero nandoon pa rin ang galit ng mga tagahanga ni Pomoy kay Simon.
Comments are closed.