BUHAY na buhay ang tinaguriang ‘Solid North’ sa grand rally ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Ilagan, Sports Complex, sa Isabela nitong Linggo ng gabi matapos makibahagi ang mga bigating lokal na opisyal at dumugin ng daang-libong supporters ang event.
Dumalo ang pitong gobernador ng Norte na sina Gov. Rodito Albano ng Isabela, Gov. Jerry Dalipos ng Ifugao, Gov. Manuel Mamba ng Cagayan, Gov. Eleanor Bulut ng Apayao, Gov. Carlo Padilla ng Nueva Vizcaya, Gov. Dax Cua ng Quirino at dating gobernador na si Gov. Faustino Dy Jr.
Namataan din si dating gobernador na ngayon ay alkalde ng Narvacan City, Ilocos Sur Chavit Singson, Congressman Michael Dy ng 5th District ng Isabela at Mayor Jeff Soriano ng Tuguegarao City.
Ayon kay Marcos, pinili niyang isagawa ang kanyang kahuli-hulihang rally sa probinsya ng Isabela upang makasama ang kanyang mga kababayang taga-Norte.
“Pinilit ko na isagawa ang kahuli-hulihang rally dito sa Isabela, sa pagsalubong ninyo hindi ako nagkamali sa aking pinili,” ayon kay Marcos.
“Napakasarap na makauwi, masarap talaga ditong makabalik, makasama ang mga kaibigan na magbibigay ng lakas sa aming lahat sa UniTeam para magawa namin ang kailangang trabaho sa minamahal nating Pilipinas,” sabi niya.
Dagdag pa ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na sa susunod na haharap siya sa kanyang mga supporters ay miting de avance na, kung saan gaganapin sa magkakahiwalay na araw sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“Tulad ng sinasabi ko ito na ang huli naming rally, ang susunod ay miting de avance na, kung saan gaganapin sa Davao, meron sa Iloilo City at mayroon din sa Maynila,” sabi niya.
“Kaya naman pinili ko na ang huling rally ay gawin dito sa Ilocandia, dito sa Ilagan, dito sa Isabela,” saad pa niya.
Bagamat hindi nakadalo si Mayor Inday Sara Duterte ay ipinagmalaki naman ni Marcos sa Isabela ang husay, galing at tapang ng alkalde pagdating sa pamumuno.
Pinaalalahanan niya ang kanyang mga supporters na kung huwag silang paghiwalayin ni Duterte at dapat kung siya ang presidente ay huwag kalimutan ang kanyang bise presidente upang makamit ang inaasam nilang pagkakaisa.
“Napakahalaga na ang vice president at ang pangulo ay nagkakaintindihan, nagkakasundo para makamit ang tunay na pagkakaisa, kaya’t wag niyong kakalimutan ang ating kandidato pagkabise-presidente, Inday Sara Duterte,” sabi ni Marcos.
Habang patuloy na nagtatalumpati si Marcos ay sumisigaw ang mga taga- Isabela ay ‘Solid North’ ng paulit-ulit.
Aniya patunay na ito na totoo ang pagmamahal at pagkakaisa ng mga taga-Norte sa mga Marcos.
Sinabi naman ni Marcos na ang ‘Solid North’ ay matibay simula pa nang panahon ng kanyang ama na si dating pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
“Ang ‘Solid North’ ay napakatibay talaga simula pa ng panahon ng aking ama, talagang hindi niyo iniwanan ang mga Marcos at ngayon naman at dito sa ating pagtitipon-tipon makikita niyo po ang ‘Solid North’, nandito lahat ang mga lider ng Ilocandia,” sabi ng dating senador.
Nasa rally din ang panganay na anak ni Marcos na si Sandro Marcos na tumatakbong congressman ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte.
Ilang mga board members din ng lalawigan ng Isabela ang nakilahok at maging ang mga mayor at vice mayor ng ibat-ibang bayan ay nakiisa din.
Bago matapos ang talumpati ay tinawag niya ang mga lokal na opisyal bago itinaas ang kanilang mga kamay na lalong nagpatibay sa tinatawag na ‘Solid North’.