SOLID NORTH, TINIG AT LAKAS NG HILAGANG LUZON

MASASABI na ang tagumpay ng Solid North Party-list sa pinakabagong survey ng Tangere ay isang makasaysayang hakbang para sa Hilagang Luzon.

Kahit bagong partido, nanguna ito sa hanay ng mga party-list na inaasahang makakakuha ng upuan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa darating na 2025 Midterm Elections.

Isa itong bagay na nagpapatunay sa tiwala ng mga mamamayan ng hilagang Luzon sa kanilang adhikain at kakayahang maghatid ng tunay na pagbabago.

Ayon sa survey na isinagawa mula Oktubre 1-4, 2024, nakakuha ng malaking suporta ang Solid North mula sa mga botante sa buong bansa, lalo na sa mga lalawigan ng Region 1, 2, Cordillera Administrative Region (CAR), at iba pang bahagi ng Luzon.

Sa kabila ng kasikatan ng ilang beteranong party-list groups tulad ng ACT-CIS, 4Ps, at Ako Bicol, umangat ang Solid North bilang isang pangunahing pinipi­ling party-list sa mata ng mga Pilipino.

Sinasabing sa likod ng tagumpay na ito ay ang matibay na pangako ni Solid North Chairman JB Bernos, kasaluku­yang mayor ng La Paz, Abra, at national president ng League of Municipalities of the Philippines.

Aniya, ang resulta ng survey ay isang malaking karangalan at itinuturing nilang isang “de facto mandate” mula sa mamamayan.

Kung papalarin at mabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa Kongreso, handa nilang ibuhos ang 100 porsyentong serbisyo publiko, nang may malasakit at dedikasyon.

Ang Solid North ay hindi lamang isang pangalan—ito ay isang kilusan para sa pagkakaisa ng hilagang Luzon.

Sumasaklaw ito sa mga lalawigan ng Timpuyog ti Amianan o Unity in the North, tinataguyod nito ang pangarap ng bawat Pilipinong naninirahan sa rehiyong ito na magkaroon ng isang kinatawan na tunay na nakikinig sa kanilang mga panga­ngailangan.

Nais ng Solid North na maipahayag ang boses ng mga taga-hilaga at matugunan ang mga pangunahing suliranin sa agrikultura, ekonomiya, at pag-unlad ng kanayunan.

Ayon naman kay Tangere CEO Martin Peñaflor, ang mataas na interes ng mga botante sa Solid North ay patunay ng kanilang pagpapahalaga sa mga partido na nagmamalasakit sa mga sektor na marginalized, lalo na ang mga magsasaka at ang komunidad ng agrikultura.

Kaya sa pagsulong ng Solid North, nagiging malinaw ang kanilang layunin na magkaroon ng isang kongkretong pagbabago sa mga pamayanan sa hilaga, kung saan ang bawat proyekto at hakbang ay nakasentro sa pagpapabuti ng kabuhayan at kapakanan ng kanilang mga kababayan.

Ang pagkakaisa sa hilagang Luzon ay hindi lamang isang adhikain—ito ay isang pangarap na nais maging realidad ng Solid North.

At patuloy na isusulong ng partidong ito ang mga hakbang para sa pag-unlad, kataru­ngan, at pantay-pantay na oportunidad para sa lahat ng sektor sa kanilang rehiyon.