NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga umaasinta bilang susunod na lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsulpot ng pangalan ng matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao del Norte Rep. Antonio ‘Tony Boy’ Floirendo.
Sa pagsisimula ng kanyang regular press briefing kahapon sa Malacañang, ibinunyag ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na nakatanggap siya ng mensahe kung saan kinumpirma ang plano ni Floirendo na maging kapalit ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
“Baka interesado kayo, ewan kung alam na ninyo pero nakatanggap ako ng mensahe, mukhang tatakbo bilang House Speaker si Cong. Antonio Floirendo.
“Tinawagan ko siya (Floirendo) at kinumpirma naman niya at ang sabi pa niya ay maglalabas siya ng pahayag tungkol dito,” ani Panelo.
Sa ginawang pagkumpirma ni Panelo, nadagdagan pa ang bilang ng mga mambabatas na nakahandang pumalit kay GMA.
Una nang lumutang ang mga pangalan nina Lakas-CMD president at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ex-DFA Sec. Alan Peter Cayetano at ex-Speaker Pantaleon Alvarez sa mga nagpahayag ng kanilang interes na pamunuan ang Kamara.
Ayon naman kay Floirendo, ang kanyang desisyon na pumalit kay GMA ay bunga na rin ng naging pag-uusap nila ng ilang matataas na lider ng lipunan noong Linggo ng gabi.
“I indeed met last night (Sunday) with some very important personalities of the land to talk on some important matters regarding the midterm elections and the 3 remaining years of the Duterte administration.
“Among those we discussed was the importance of ensuring a stable administration under President Rodrigo Duterte…
“… I have decided to join the fray not for my own political ambitions but to ensure that President Rodrigo Duterte gets a solid support from the House leadership,” aniya pa.
Isiniwalat pa ni Floirendo na sa nakaraang Kongreso ay hindi naging maayos ang trabaho ng Kamara at nalublob pa nga ito sa mga kontrobersiya.
“I want to unite the Lower House in fully backing the Duterte administration realize its dreams for the Filipino people in the three remaining years.
“And who could better understand and harmoniously work with a Dabawenyo President than a Dabawenyo congressman,” pagtatapos pa ni Floirendo.