SOLO 2ND ASAM NG LADY BULLDOGS

Standings W L
Women
DLSU 5 0
AdU 4 1
NU 4 1
UST 4 2
FEU 3 3
UP 1 4
Ateneo 1 5
UE 0 6

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – UE vs UST (Men)
11 a.m. – UE vs UST (Women)
3 p.m. – FEU vs NU (Women)
5 p.m. – FEU vs NU (Men)

UMAASA ang National University na magiging maganda ang kanilang performance bago ang kanilang inaabangang Finals rematch sa La Salle sa pagsagupa sa Far Eastern University sa UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Hindi minamaliit ng Lady Bulldogs ang much-improved Lady Tamaraws sa 3p.m. match.

Ganito rin ang pag-iisip ng University of Santo Tomas laban sa wala pang panalong University of the East kung saan target nito ang matikas na first round finish sa alas-11 ng umaga.

Ang NU ay kasalukuyang nasa ikalawang puwesto kasalo ang walang larong Adamson sa 4-1.

Nasa kanilang pinakamagandang simula sa walong seasons, ang Lady Spikers ay may 5-0 record papasok sa duelo sa Lady Falcons bukas at sa Lady Bulldogs sa Miyerkoles upang tapusin ang first round.

Para kay reigning MVP Mhicaela Belen, ang laro kontra FEU ang magdedetermina kung gaano kakinis ang NU sa kasalukuyan makaraang dumaan sa mga pagsubok sa kaagahan ng first round.

“Ayun po. One game at a time po muna kami,” ani Belen.

Nagwagi sa tatlo sa unang anim na first round matches, ang Lady Tamaraws ay nasa likod ng fourth-running Tigresses (4-2), subalit ayaw munang isipin ni first-year coach Tina Salak ang Final Four.

“Tapusin muna natin ang first round. I think doon muna kami mag-settle ng first round. Baka too soon to say na achievable yung No. 4, pero hindi naman masamang mangarap” sabi ni Salak.

Nag-iingat si coach Kungfu Reyes sa Lady Warriors, kung saan maganda ang ipinakikita ng kanyang dating high school standouts Van Bangayan at KC Cepada sa kabila ng 0-5 kartada ng koponan.

“Actually, it’s everybody’s ballgame. Competitive ang lahat ng team. Hindi puwedeng biruin si UE. 14-woman line-up, may mga taga-UST doon,” wika ni Reyes.

“Kailangan naming paghandaan, hindi biro ang mga materyales ni coach Jumbo (Dimaculangan). Kailangang tapusin (ang first round) in a high note para at least, pagpasok namin ng second round, medyo mataas-taas ang morale namin,” dagdag pa niya.