Mga laro ngayon:
(Batangas City Coliseum)
7:30 p.m. – Converge
vs Ginebra
DINISPATSA ng NorthPort ang Eastern, 120-113, upang mabawi ang solo lead sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa PhilSports Arena sa Pasig.
Tumapos si Kadeem Jack na may 38 points at 9 rebounds habang nagdagdag si Arvin Tolentino ng 35 points at 6 rebounds upang pangunahan ang sustained attack mula sa second quarter pasulong, at nagposte pa ng 116-105 kalamangan, may 65 segundo na lamang ang nalalabi.
Sa huli, bumawi ang Batang Pier mula sa 109-115 pagkatalo sa dating walang panalong Phoenix noong nakaraang Martes at umangat sa 6-1 overall habang ipinalasap sa guest team ang ikalawang kabiguan nito sa pitong laro.
Ang Eastern, na lumipad pabalik sa bansa noong Huwebes matapos ang laro sa EASL noong Linggo, ay mainit ang simula, lumamang ng hanggang 29-21, bago tumukod sa huli sa kabila ng matinding pagsisikap nina import Chris McLaughlin at Hayden Blankley.
Ang Hong Kong-based squad ay nalagay rin sa penalty, wala nang siyam na minuto ang nalalabi sa laro, at sinamantala ito ng Batang Pier sa pagtala ng perfect 18-of-18 mula sa stripe, kabilang ang tig-2 nina Jack at Fran Yu sa huling 14 segundo na sumiguro sa panalo.
“Basically, we just took advantage… na they just came from a game sa Hong Kong kaya we outran them,” sabi ni NorthPort coach Bonnie Tan. “Na-recover ulit namin transition points namin and ‘yung assists namin as a team nag-step up ulit.”
Para kay Tolentino, na pinangunahan ang second quarter charge na may 16 sa kanyang mga puntos, ang dagdag na motibasyon ay nanggaling sa pride. “Always fun kung dayo kalaban mo,” aniya.
“Merong factor talaga ‘yung gusto mong manalo and that’s what happened today,” dagdag ni Tolentino.
Nakatulong din sa panalo sina Joshua Munzon na may 15 points, William Navarro na may 10 points at 7 boards, at Yu na may 9 points at 9 dimes.
Nanguna si McLaughlin para sa Eastern na may 26 points at 19 rebounds habang nagposte si Blankley ng kanyang sariling double-double na may 24 at 10.
CLYDE MARIANO
Iskor:
NORTHPORT (120) – Jack 38, Tolentino 35, Munzon 15, Navarro 10, Yu 9, Nelle 5, Flores 4, Onwubere 4, Bulanadi 0, Miranda 0, Cuntapay 0.
EASTERN (113) – McLaughlin 26, Blankley 24, Lam 18, Yang 13, Guinchard 9, Chan 7, Xu 6, Cheung 4, Leung 3, Zhu 3, Pok 0.
QUARTERS: 27-32, 63-60, 90-87, 120-113