SOLO LEAD NABAWI NG TIGRESSES

Mga laro sa Sabado:
(Ninoy Aquino Stadium)

10 a.m. – AdU vs UP (Men)

12 noon – FEU vs UST (Men)

2 p.m. – AdU vs UP (Women)

4 p.m. – FEU vs UST (Women)

SA KABILA ng hindi paglalaro ni super rookie Angge Poyos, nagawa pa ring dispatsahin ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines, 25-14, 25-13, 28-30, 25-15, upang palakasin ang kanilang tsansa na makuha ang twice-to-beat bonus sa UAAP women’s volleyball Final Four kahapon sa Mall of Asia Arena.

Sina lefty spikers Jonna Perdido at Regina Jurado ang nanguna sa panalo ng Tigresses upang mabawi ang top spot sa 10-1.

Ang UST ay nakaipit sa three-way battle sa  defending champion La Salle (9-1) at National University, na umangat sa 9-2 kasunod ng 25-22, 25-16, 25-15 panalo kontra Ateneo, sa mainit na karera para sa dalawang twice-to-beat slots sa Final Four.

Kumana sina  Perdido at Jurado ng tig-24 points para sa Tigresses.

“Ni-remind ko lang din talaga ‘yung team kung sino ‘yung pinanghuhugutan namin, kung para kanino itong kailangan namin ipanalo. Luckily, nagrespond naman po ng positive,” sabi ni UST captain-libero Det Pepito, na nakakolekta ng 28 digs at 9 receptions.

Umiskor si  Xyza Gula, na pumunan sa butas na iniwan ni Poyos, ng 12 points sa panalo habang gumawa si Cassie Carballo ng 19 excellent sets at 6 points, kabilang ang 2 service aces.

“Nagstep up lang po kami and tinrabaho ko lang po ‘yung responsibilidad ko. ‘Yung panalo ay para po kay Angge and kay Em, yun yung naging motivation naming lahat,” sabi ni Perdido, na napantayan ang kanyang career-high sa points at nakakolekta ng 8 digs at 4 receptions.

Nanguna si Niña Ytang para sa UP na may  14 points, kabilang ang 2  blocks, habang nag-ambag si Steph Bustrillo ng 10 points, kasama ang 2 blocks.

Nahulog ang Fighting Maroons sa 1-10.