NAKIPAG-DRAW si International Master Daniel Quizon kay IM Jan Emmanuel Garcia upang mapanatili ang solong liderato sa Philippine National Chess Championships sa Marikina Community Convention Center nitong Huwebes.
Ang 19-year-old na si Quizon ay mayroon ngayong 6.5 points matapos ang walong rounds sa torneo na itinataguyod nina Marikina City Congresswoman Maan Teodoro at Mayor Marcy Teodoro.
Pinataob ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna si National Master Vince Angelo Medina upang kunin ang solo second na may 6.0 points habang tabla sina Garcia at Grandmaster John Paul Gomez, na namayani kay NM Jerish John Velarde, sa ikatlong puwesto na may 5.5 points. Nasa three-way tie para sa ika-4 na puwesto sina IM Paulo Bersamina at Fide Masters Christian Gian Karlo Arca at Mark Jay Bacojo na may 5.0 points. Nagwagi si Bersamina kontra IM Barlo Nadera, pinayuko ni Arca si Samson Chiu Chin Lim III at nakihati ng puntos si Bacojo kay GM Darwin Laylo.
Si Medina ay nasa ika-5 puwesto na may 4.5 points, kasunod sina GM Rogelio Antonio Jr., na nanaig kay WIM Marie Antoinette San Diego, Laylo (3.5), Nadera (2.5), Velarde (1.5), Lim (1.0) at San Diego (0.5).
Ang kampeon ay tatanggap ng P120,000 cash habang nakataya ang tatlong slots sa World Chess Olympiad na nakatakda sa Sept. 10-23 sa Budapest, Hungary sa 13-round event na suportado nina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) chairman and president Prospero Pichay, Jr., Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino, Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann, Eugene Torre Chess Foundation, at Jundio Salvador ng Pan de Amerikana.
CLYDE MARIANO