SOLO LEAD TARGET NG BATANG PIER

Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
5 p.m. – TNT vs NorthPort
7:30 p.m. – NLEX vs San Miguel

PUNTIRYA ng NorthPort ang ika-4 na sunod na panalo at kunin ang solong liderato sa pagharap sa TNT sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo.

Nakatakda ang salpukan ng Batang Pier at Tropang Giga sa alas-5 ng hapon.

Papasok ang Batang Pier sa court na mataas ang morale matapos ang tatlong sunod na panalo.

Dinispatsa ng NorthPort ang perennial contender Magnolia, 107-103, noong Miyerkoles makaraan ang opening victories laban sa NLEX (114-87) at Terrafirma (113-101) para sa 3-0 kartada at samahan sa joint lead ang reigning Philippine Cup kingpin Meralco.

Sisikapin naman ng Rondae Hollis-Jefferson-bannered Tropang Giga na makabawi mula sa 84-105 loss sa guest team Eastern sa kanilang conference debut noong Biyernes ng gabi.

Samantala, target ng NLEX na makatatlong sunod na panalo habang sisikapin ng San Miguel Beer na masundan ang matagumpay na debut sa kanilang laro sa alas-7:30 ng gabi.

Sa pangunguna nina import Mike Watkins at Robert Bolick, naitala ng Road Warriors ang back-to-back wins sa 107-95 pagdispatsa sa Blackwater Bossing at pagbasura sa Terrafirma Dyip, 104-85.

Kinailangan naman ng Beermen ng malakas na closing barrage, tampok ang basket ni Marcio Lassiter sa dying seconds upang matakasan ang Phoenix Super LPG Fuel Masters, 107-104, noong Miyerkoles.

Pinangunahan ni Lassiter ang 36-24 closing barrage upang iposte ng San Miguel Beer ang come-from-behind win kontra Phoenix sa kanilang debut game matapos palakasin ang kanilang lineup sa pagpasok nina Juami Tiongson at Andreas Cahilig kapalit nina Terrence Romeo at Vic Manuel.

Para sa NLEX, susi sa kanilang maagang tagumpay ang kanilang import.

“He’s giving us what we need. He got 30 rebounds, 26 points, ‘yun ang kailangan namin. He’s doing his job,” sabi ni NLEX coach Jong Uichico patungkol sa mga numero na kanilang nakuha mula kay Watkins sa kanilang 19-point blowout sa Dyip.

Pagkatapos ay nariyan si Bolick na nangunguna sa mga local.

Nagpakawala si Bolick ng 32 points, tampok ang perfect 2-of-2 mula sa four-point arc at impresibong 11-of-14 (78.6 percent) marksmanship overall habang nagbigay ng 5 assists sa ikalawang sunod na Player of the Game-earning outing.

“Masaya ako sa output ngayon kasi konti lang ang tinira ko pero efficient. ‘Yun ang gustong kong mangyari sa laro ko this conference, konti lang tira pero efficient, pick your good spots lang,” ani Bolick matapos masundan ang 107-95 pagbasura ng Road Warriors sa Blackwater sa kanilang naunang laro.

Nauna rito, ang Road Warriors ay yumuko sa NorthPort, 87-114, noong Nob. 28.
CLYDE MARIANO