SOLO LEAD TARGET NG BOSSING

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Blackwater vs Converge

7:30 p.m. – Meralco vs NLEX

ASAM ng Blackwater ang ikatlong sunod na panalo at solong liderato sa pagharap sa Converge sa PBA Philippine Cup ngayong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.

Ang Bossing ay may mainit na simula sa 2-0 subalit hindi nito mababago ang anuman sa approach at mindset ng tropa ni coach Jeff Cariaso.

“Nothing has changed,” sabi ni Cariaso.

“Right now, we are just starting, so too early to tell. We are still in the process of learning about each other, ‘yung chemistry namin p’wede pang mag-improve,” dagdag pa ni Cariaso.

“Pero we all understand completely that we have to do and give our best each and every game.”

Nakatakda ang laro sa alas-4:30 ng hapon.

Hindi tulad ng Bossing, ang FiberXers ay natalo sa kanilang unang dalawang laro kung saan ang huli ay kasing pait ng una. Makaraang magsimula nang malamig kontra Terrafirma, ang Converge ay lumamang ng hanggang 18 puntos kontra NorthPort bago tumukod sa fourth quarter at overtime upang malasap ang 104-112 decision.

“Honestly, nalamangan lang sila nang malaki agad nu’ng first game nila pero humabol sila so may tsansa na manalo. Last game, dapat panalo sila. They could easily have been 2-0,” sabi ni Cariaso.

“Kami we are not taking them lightly. We can’t afford to do that. So feeling ko it’s going to be a good game,” ani Cariaso. “They will be hungry to win so kailangan maging ready kami. Hindi kami p’wedeng maging complacent.”

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay sisikapin ng Meralco na masundan ang kanilang initial win habang pakay ng NLEX na makabawi mula sa pagkatalo.

Mula sa 96-93 upset sa Blackwater sa kanilang opening game, ang Bolts ay bumawi at nalusutan ang Rain or Shine, 121-117, sa overtime noong Sabado.

Na-split din ng  Road Warriors ang kanilang unang dalawang laro, nagwagi sa kanilang conference debut kontra NorthPort Batang Pier, 107-100, pagkatapos ay yumuko sa  Terrafirma Dyip, 99-95.

CLYDE MARIANO