Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – LPU vs Arellano (Men)
12 noon – LPU vs Arellano (Women)
2 p.m. – Mapua vs JRU (Women)
4:30 p.m. – Mapua vs JRU (Men)
NAKOPO ng College of Saint Benilde ang solong liderato matapos ang 25-23, 25-21, 25-22 sweep sa University of Perpetual Help System Dalta sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Binasag ni setter Cloanne Mondoñedo ang huling pagtatabla sa 22-22 sa isang kill at bumanat ng game-winning spike na humila sa perfect run ng Lady Blazers sa apat – at 15 mula pa noong nakaraang season.
Nanguna si Gayle Pascual para sa Benilde na may 22 points, kabilang ang 2 blocks, habang nagpakawala si rookie Jessa Dorog ng 3 service aces upang tumapos na may 9 points na sinamahan ng 9 digs at 9 receptions. Umiskor din si Michelle Gamit ng 9 points habang gumawa si Mondoñedo ng 22 excellent sets.
Nauna rito, nagpakawala si rookie Judiel Nitura ng16 kills habang nagtala si Lea Tapang ng 3 service aces upang tumapos na may 11 points na sinamahan ng 15 digs at 13 receptions para sa Letran na naibalik ang winning ways sa 19-25, 25-22, 25-12, 25-12 pagdispatsa sa Emilio Aguinaldo College.
Gumawa si Jade Isar, ipinasok sa second set, ng 2 blocks para sa 11-point effort, habang umiskor sina Cha Cuñada at Angelique Ledesma ng tig-9 points para sa Lady Knights.
May 2-1 record, ang Letran ay tumabla sa Arellano University at Mapua sa fourth spot.
Sa pagkatalo ay naputol ang three-match winning streak ng Lady Altas na nahulog sa third place.
Gumawa si Mary Rhose Dapol ng 3 service aces para sa 20-point outing na sinamahan ng 7 receptions, habang nag-ambag si Shai Omipon ng 11 points at 7 receptions para sa Perpetual.