INAPRUBAHAN na ng Senado ang Solo Parents Welfare Act sa ikatlo at huling pagbasa.
Inaamyenda nito ang Republic Act No. 8972 o Providing for Benefits and Privileges to Solo Parents and the Children upang mapabuti ang mga serbisyo ng gobyerno para sa mga solong magulang.
Nagpasalamat naman si Senador Juan Miguel Zubiri, co-author ng panukalang batas, kay Sen. Risa Hontiveros sa pagsuporta rito.
“I thank and congratulate Sen. Risa Hontiveros for her efforts behind this, as sponsor of the bill. We’re really very excited that this is going forward,” anang Senate Majority Leader.
“We have about fifteen million solo-parent families here in the Philippines, and we need to make sure that they are receiving the help that they require in raising healthy, educated children with happy home lives,” ayon kay Zubiri.
Binanggit din ni Zubiri na mahirap ang maging solo parent.
“Parenthood is hard enough with a supportive partner—lalo na para sa solo parents, na nagsasabay-sabay ng maraming trabaho para makapaglagay ng pagkain sa lamesa at makapagpaaral ng kanilang mga anak. All while also trying to find time to be present and engaged in their children’s lives,” ayon sa mambabatas.
Sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act, lahat ng solong parent ay makikinabang sa Comprehensive Package of Social Protection Services, kasama ang mga pagkakataon sa kabuhayan, legal advice at assistance.
Magkakaroon din ng Solo Parent Identification Card (SPIC) sa ilalim ng panukalang batas, kasama ang mga karagdagang benepisyo tulad ng 20 percent discount para sa infant formula, diaper, gamot, bakuna, kagamitang medikal, food supplement, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Magkakaroon din ng 20 percent discount sa mga bayarin sa ospital at tuition fee sa paaralan para sa kanilang anak.
“We are also suggesting a basic personal tax exemption of Php50,000.00 for solo parents, para maidagdag ito ng mga solo parent sa mga gastusin nila sa bahay, lalo na kung marami silang anak,” ani Zubiri. LIZA SORIANO