PINAPLANTSA na ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isang ordinansa na nakapokus partikular na sa mga solo parent lamang, nanay man o tatay.
Ang nasabing ordinansa ay pinagsisikapang matapos sa susunod na taon sa pangunguna ng may-akda nito na si Konsehal Junjun Concepcion kasama ang ilan pang miyembro ng technical working group (TWG) at Social Welfare Department ng lokal na pamahalaan.
Sa isang Christmas party na ginanap sa Pasig City Sports Complex kasama ang maraming solo parents, inanunsiyo ni Sotto na malapit nang mabuo ang solo parent ordinance at pakikinggan aniya ng TWG ang iba pang mga suhestiyon at pag-aaralan kung kakayanin bang ipatupad sa lungsod.
“Sa kasalukuyan, bumubuo tayo ng isang ordinansa para sa ating mga Solo Parents. May panukala na rin ang Sanggunian Chairperson on Social Welfare, Coun. Junjun Concepcion, at inaayos na lang ang mga detalye,” ang sabi ni Sotto.
Sinabi pa ng alkalde na siya man ay produkto rin ng isang solo parent home kaya nais din niya na matulungan ang mga Pasigueño na may kahalintulad na kalagayan sa buhay.
Layunin ng ordinansang ito na magkaroon ng programa upang tulungan at mabigyan ng assistance ang mga nagsosolong magulang, alinman sa hiniwalayan, iniwanan o namatayan ng kapareha sa buhay at mag-isang itinataguyod ang naiwang pamilya.
“Nakikita ko, sa halos araw-araw kong pag-iikot sa buong Pasig, ang hiráp na kalagayan ng mga nagsosolong magulang, kaya natin naisip na gumawa ng ordinansang ito sa pangunguna na rin ng ating butihing Mayor Vico,” ang pahayag ni Concepcion.
Idiniin pa ng konsehal na ang mga solo parent sa lungsod ay hindi sakop (o kung sakop man ay hindi buo) ng iba pang programa ng pamahalaan dahil iba ang kategoriya nila kumpara sa mga kabataan, senior citizen, persons with disabilities at iba pa.
Comments are closed.