SOLO PARENTS ACT GANAP NANG BATAS

HINDI maitatatwa na ang pagiging magulang ay hindi madaling gawain.

Maraming mga isyu na dapat harapin araw-araw, bilang karagdagan sa mga hindi inaasahang komplikasyon na karaniwang lumilitaw paminsan-minsan.

Kung solong pamilya naman ng magulang, ang mga paghihirap na iyon ay maaaring dumami pa o kaya’y lalo pang bumigat.

Sabi nga, ang pinakamalaking problema ay ang emosyonal na pasanin ng pag-aalaga sa mga bata.

Hindi rin mawawala ang mga gawaing bahay at lahat ng kailangan ng pamilya.

Mabuti na lang at naging ganap nang batas ang Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Magandang balita ito para sa mga solong magulang.

Aba’y magkakaroon na kasi ng flexible work schedule ang mga solo parent employee.

Nariyan din ang monthly cash subsidy para sa minimum wage earners, at scholarship para sa mga ito kung saan damay ang kanilang anak.

Magkakaroon pa sila ng dagdag na parental leave benefits para mabalanse ang trabaho at responsibilidad sa kanilang supling.

Mahalaga kasing matutukan ang mga kaganapan kung saan kailangan ang presensiya ng magulang.

Ang isa pang maganda rito, awtomatiko ring magkakaroon ng health insurance ang mga solo parent.

Sa pamamagitan ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth, magkakaroon sila nito.

Ang kahulugan o depinisyon ng solong magulang ay mas pinalawig o pinalawak sang-ayon sa bagong batas.

Sa pamamagitan ng batas, inaatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, na bumuo ng komprehensibong social protection services package para sa solo parents at maging ng kanilang anak.

Kung hindi ako nagkakamali, ganap na naging batas ang RA 11861 noong ika-apat ng Hunyo 2022.

Magiging epektibo ito 15 araw matapos mailathala sa mga pahayagan na may general circulation.

Maituturing na hulog ng langit ito para sa mga solong magulang.

Mahirap kasing itaguyod ang pamilya na mag-isa ka lang na kumakayod.

Ngunit sa totoo lang, hindi na bago sa ating pandinig ang mga benepisyong ibinibigay sa mga katulad nila.

Sa ibang bansa, tambak ang tulong na ipinagkakaloob sa kanila.

At sa ilang local government units (LGUs) naman gaya ng Navotas City, aba’y nariyan ang ‘Saya All, Angat All Tulong Pinansiyal’ program.

Sa pamamagitan ng programa, nakakakuha ng benepisyo ang may 1,000 solo parents.

Kamakailan nga lang, nasa 350 solo parents ang tumanggap ng tig-P2,000 mula sa LGU matapos mag-renew at mag-apply ng parent IDs.

Buong taon ginagawa ang programang ito kung saan tinatayang 195 benepisyaryo naman ang nakakakuha ng kaparehong benepisyo noong Marso ng taong tio.

Bukod dito, binibigyan din ng Navotas LGU ang mga nagdarahop na solo parents ng P1,000 educational assistance kada taon.

Tandaan nga pala ninyo na tanging ang mga nag-aalaga lang ng kanilang anak o ‘yung nagbibigay ng sole parental care o support ang mapagkakalooban ng mga benepisyo sa ilalim ng RA 11861.

Ibig sabihin, kung wala naman sa poder mo ang iyong anak o inaabandona mo lang ito, aba’y wala kang maaasahang benepisyo rito.

Mabigat din ang isa sa mga probisyon ng solo parents law na nagsasaad na maaaring mapatawan ng multa na P10,000 o P200,000 at pagkakakulong na hindi hihigit sa dalawang taon ang sinumang mapatutunayang lumabag dito.