SOLO PARENTS SA NAVOTAS NAKATANGGAP NG CASH AID

NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng tulong pinansiyal sa ikatlong batch na mga kuwalipikadong solo parents.

Aabot sa 230 Navoteños ang nakatanggap ng P2,000 sa pamamagitan ng Saya All, Angat All Tulong Pinansyal Para sa mga Rehistradong Solo Parents, isa sa mga programa ng lungsod sa pandemic recoverysa ilalim ng Gender and Development (GAD) Fund.

“We recognize the hardships Navoteño solo parents face and we hope to offer them a means to provide for their families even through these challenging times,” ani Mayor John Rey Tiangco.

Tatakbo sa buong taon ang programa na naglalayong makinabang ang nasa 1,500 solo parents sa lungsod.

Para maging kuwalipikado, kailangang mag-apply o mag-renew ng kanilang solo parent identification card at sumailalim sa validation ng City Social Welfare and Development Office.

Nagbibigay din ang Navotas ng P1,000 na tulong pang-edukasyon sa mga solong parent bawat taon ng pag-aaral ayon sa City Ordinance No. 2019-17.

Si Tiangco, na nagsilbi bilang kinatawan ng Navotas sa 17th Congress, ay co-authored ng House Bill 8097 na, kasama ng Senate Bill 1411, ay pinagsama-sama sa Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Ang RA 11861 ay nagbigay ng karagdagang benepisyo sa solo parents, kabilang ang P1,000 monthly subsidy, 10% discount at VAT exemption, 7-day parental leave with pay, priority sa scholarship programs at grants, automatic Philhealth coverage, at iba pa. EVELYN GARCIA