TIWALA si House Committee on Local Government at Valenzuela City 1st Dist. Rep. Rex Gatchalian na sa lalong madaling panahon ay malalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para ganap na maging batas ang SIM Card Registration Bill, na naunang niratipikahan kapwa ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pagbibigay-diin ng House panel chairman, ang naturang panukalang batas ang solusyon sa talamak na text scams at maging ang tinatawag na phishing activities sa bansa.
“With its ratification by both chambers of Congress, and hopefully its signing by President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. into law, the nefarious and fraudulent activities involving the use of SIM will soon be eradicated,” sabi pa ni Gatchalian.
Nauna rito, pinuri ng Valenzuela City solon ang Bicameral Conference Committee, kung saan bilang principal author ng SIM Card Registration ay kasama siya sa mambabatas na tumalakay para maplantsa ang magkasalungat na probisyon ng House Bill No. 14 at Senate Bill No. 1310.
Sa pagsusulong ng nasabing panukala, iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng mahigpit na regulasyon ng pamahalaan sa pagbebenta at distribusyon ng SIM cards.
Aniya, hindi na mabibilang ang naging biktima ng text scams at data breaches, na ang masaklap ay nagresulta pa sa pagkatanggay ng malaking halaga ng pera ng mga inosenteng indibidwal.
“There are even those who threaten bodily harm or make ransom demands through prepaid mobile numbers. It is in this context that we find it imperative to regulate the sale and distribution of these SIM cards by establishing a registry or database of validated information of its authorized owner.” Mariing sabi pa ni Gatchalian.
Kaya naman kumpiyansa ang kongresista na bibigyan ni Pangulong Marcos Jr. ng ibayong pansin ang SIM Card Registration Bill at pipirmahan upang pormal na maipatupad, sa gayon ay matuldukan na rin ang mga masamang gawain at talamak na panloloko gamit ang mobile phone technology. ROMER R. BUTUYAN