NANAWAGAN si House Deputy Speaker Cagayan De Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na punan na ang tatlong bakanteng posisyon na bumubuo sa pitong commissioners ng Commission on Elections (comelec) sa lalong madaling panahon.
“The May 9 elections are fast approaching, and the Comelec needs all the help it can get like the appointment of additional members to ensure the holding of honest, peaceful and orderly balloting,” pahayag ni Rodriguez.
Ayon sa mambabatas na ang pagkukumpleto sa Comelec membership ay mas kanais-nais at makatutulong kumpara sa apat na komisyoner lamang.
“Seven heads are better than four. Also it is the practice that a Commissioner handles at least 2 of the 16 regions of the country, and it will be difficult for only 4 commissioners to handle the preparations and the elections in these 16 regions,” paliwanag ni Rodriguez.
Nais umano ni Rodriguez na pumili ang pangulo ng bagong appointees na may sapat na kakayahan o karanasan sa law and information technology, walang dungis ang integridad at malinis na track record sa public o private sector service.
Dagdag pa ng opisyal na ang pagpuno sa nasabing mga posisyon ay labis na makapagbibigay ng mabilis at akmang preparasyon sa Comelec para sa May 9, 2022 elections partikular ang pag-monitor at pagsunod sa itinatadhana ng komisyon sa pangangampanya at iba pang kahalintulad na aktibidad ng mga kandidato at kanilang taga suporta sa panahon ng election period.
Ayon kay Rodriguez na marami na umanong reklamo kaugnay sa mga paglabag lalo na sa health protocols na isinasaad sa rules and regulations ng Comelec gaya ng paglalagay ng posters, tarpaulins at iba pang campaign paraphernalia.
Subalit lahat ng mga lumabag ay hanggang sa ngayon ay hindi pa binibigyan ng parusa ng komisyon.
“Let us not give the Comelec an excuse for whatever inefficiencies, omissions or failures it might have in relation to the May 9 balloting,” wika pa ng mambabatas.
Giit pa ni Rodriguez na ang pananatiling kulang sa dapat na seven-member Comelec ay makakadagdag lamang umano sa pagkalito sa kung sino ang ilalagay sa Comelec-sponsored debate sa mga presidential candidates sa Marso 19, ay hindi makakatulong sa pagtitiyak ng taumbayan na magiging malinis ang electoral process.
Nagsimulang mabakante ang posisyon sa poll body ay dahil sa pagreretiro kamakailan lamang nina dating chairman Sheriff Abas, Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr. Jeff Gallos