PINATATAASAN ng isang kongresista sa Department of Agriculture (DA) sa P8,000 ang tulong pinansiyal nito sa mga hog raiser na naapektuhan ng outbreak ng African swine fever (ASF).
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food, na hindi sapat ang tinatanggap na P3,000-indemnification fund mula sa DA ng ASF-affected hog raisers upang mapunan ang nawala sa kanila.
“Nabanggit ni [AGAP party-list] Cong. Rico Geron dito, hindi sapat ‘yung halaga na ito. Sapagkat kapag nagpalaki tayo ng baboy ay halos P14,000 ang halaga ng bawat isa,” paliwanag ng mambabatas.
“Ang P3,000 ay parang napakaliit. Medyo nakikita raw ni Cong. Rico Geron na gagawa at gagawa rin ng paraan ang Filipino upang mabawi naman nila ang kanilang na-invest,” dagdag pa niya.
Ayon kay Enverga, umaasa si Geron na matataasan ang nasabing tulong pinansiyal.
Sa pagtaya ni Enverga, maaaring sapat na ang P8,000 halaga ng indemnification fund para mabayaran ang mga hog raiser.
“Sabi nga ni Cong. Rico Geron, baka kapag sa P8,000 to P10,000 na maibigay natin sa ating mga magbababoy, lalo’t higit sa backyard raisers, baka i-surrender pa nga nila ang kanilang mga baboy dito,” aniya.
Nauna nang naglaan ang DA Agricultural Credit Policy Council ng P60 million sa livelihood loan assistance program para sa hog raisers na tinamaan ng African swine fever. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM