Mga laro ngayon:
Araneta Coliseum
3 p.m. – NLEX vs Magnolia
6 p.m. – San Miguel vs TNT
INAASAHAN ang mAinit na bakbakan sa paghaharap ng Magnolia Ang Pambansang Manok at NLEX sa pagpapatuloy ng PBA Governors’ Cup ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Target ng Hotshots na mahila ang kanilang unbeaten start sa limang laro at basagin ang pagtatabla nila sa lideraro ng walang larong Meralco, subalit aminado ang Hotshots na magiging mabigat ang laban nila kontra Road Warriors na natalo ng dalawang sunod.
“It will be very tough kasi losing streak ‘yung NLEX so we expect na medyo merong sense of urgency sila,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero sa bisperas ng kanilang 3 p.m. match kontra Road Warriors.
“They are sure to bounce back hard so we need to be ready for that,” dagdag ni Victolero.
“Their aggressiveness, energy, sigurado mataas iyan so we have to at least match that. Kung di man namin malagpasan at least matapatan man lang namin iyon.”
Nais ni NLEX coach Yeng Guiao na manumbalik ang lakas ng kanyang tropa, isang bagay na hindi nito tuloy-tuloy na naipakita sa kanilang huling laro laban sa Meralco na nagresulta sa maagang 20-point deficit at sa 100-110 pagkatalo noong nakaraang Biyernes
“We need good energy from the start,” sabi ni Guiao. “We could not dig ourselves out of the hole early on in our last game. We can’t make the same mistake against a team that’s still undefeated.” Sasalang ang Road Warriors na kulang sa tao.
Sina beteran Anthony Semerad (calf strain) at rookie Calvin Oftana (fractured hand) ay kapwa nagtamo ng injuries sa kainitan ng kanilang laro ng Meralco.
Sa panig ng Magnolia ay inaasahan namang sasamahan ni Calvin Abueva sina Rome dela Rosa (hamstring) at James Laput (bone spurs surgery) sa sidelines.
Isang araw makaraang talunin ng Hotshots ang TNT, 96-93, noong Biyernes, si Abueva ay natuklasang nagtamo ng left calf strain na maaaring mag-sideline sa kanya ng dalawa hanggang apat na linggo.
“Si Calvin nabigla talaga kami kasi nagtapos pa siya ng game,” ani Victolero. “Akala niya cramps lang. Kinabukasan hirap na siyang maglakad.”
Sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi ay magsasagupa ang San Miguel at TNT. CLYDE MARIANO