SOLONS DISMAYADO KAY SEC LORENZANA

Defense Secretary Delfin Lorenzana 

(Mistulang kinampihan pa ang China sa pagtutok ng radar gun sa PH vessel)

HINDI naitago ng ilang kongresista ang pagkadismaya kay Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil mistulang pinaboran pa nito ang China kaysa sa Philippine Navy (PN) na tinutukan ng Chinese warship ng radar gun sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, tila pinangunahan ni Lorenzana ang imbestigasyon nang sabihin nito na walang intensiyon ang China na saktan ang PN kundi sinusubukan lang ng mga ito ang reaksiyon  ng Filipinas.

“Pinangungunahan ni Defense Sec. Lorenzana ang imbestigasyon sa pagtutok ng radar gun ng Chinese ship sa ating Navy sa agarang pagdepensa nito sa intensiyon  umano ng Tsina. Para itong manghuhula na pabor sa Beijing gayong mayroon na ngang diplomatic protest na naisampa dahil sa posibleng paglabag na nagawa,” ani Brosas.

“Hindi dapat maging bulag at bingi ang sandatahan ng Filipinas  sa ganitong lantaran na pagyurak sa sovereign rights ng bansa.  Masusing imbestigasyon ang kailangan at hindi pagsawalang bahala at panghuhula,” dagdag pa ng kongresista.

Hindi naman naniniwala si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na nanunubok lang ang China dahil noong una  ay verbal lang, aniya, ang kanilang pananakot subalit ngayon ay tinutukan na nila ang mga claimant ng radar gun.

“Pinaputok man o hindi pa ang radar gun nila, malinaw ang sadya o intension ng China: i-bully pa at takutin ang PN at ang  mga maliliit na bansang katulad ng Filipinas na claimants sa WPS.   Noong mga nakaraang panahon, verbal.na pananakot lang ang ginawa nila, nitong nakaraan nakatutok na ang mga baril nila,” ani Zarate.

Kung patuloy na babalewalain at walang gagawing aksiyon  ang gobyerno para idepensa ang teritoryo ng Filipinas  sa WPS ay hindi na umano magugulat ang mambabatas na papuputukan ng China ang mga Navy.

“Bukas, makalawa ay malamang ipuputok na nila ang mga baril nila para lang maigiit ang gusto nilang pag-aangkin sa ating mga teritoryo,” ayon pa kay Zarate.

Maging si House minority  leader Bievenido Abante ay hindi nagustuhan ang pahayag ni Lorenzana dahil nangyari ang pagtutok ng radar gun sa loob ng teritoryo ng Filipinas.

“Whether it be walang intension ang China, the fact na ginawa nila is very clear provocation. Are we going to allow China to always provoke us like this incident?” tanong ni Abante  kaya hiniling niya sa Navy na maging matatag at huwag susuko dahil nasa loob sila ng Philippine territory.

Comments are closed.