HINIMOK ni Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mga kapwa kongresista na tumulong para masiguro ang pagkakaroon ng mapayapa, maayos, ligtas at ‘eco-friendly’ na May 2022 Presidential elections.
Ginawa ng lider ng Kamara ang panawagan bilang bahagi ng kanyang talumpati sa pagtatapos ng kanilang plenary session kamakalawa ng gabi.
Kasabay nito, binigyan-diin ng House Speaker na sa pagbabalik sa kani-kanilang legislative district, mainam na tignan ng mga mambabatas ang mga positibong bagay na nangyari dulot ng COVID-19 pandemic at gamitin ito para sa kapakinabangan ng lahat.
“Let us seize this opportunity to implement meaningful change in the way we conduct our campaigns, in the way we honor the sanctity of the ballot, and in the way we are held accountable for what we achieved,” sabi pa ni Velasco.
Paggigiit ng Marinduque province lawmaker, upang matiyak na magiging ligtas at ‘virus-free’ ang election campaign, pupuwedeng aniyang gamitin ng mga kongresista ang social media sa paglalahad ng kanilang political platforms at dapat ay aktibo rin silang makibahgi sa ‘interviews at debates’ na isinasagawa ng mass media.
“Let us be creative in making our people informed and engaged, without resorting to mass gatherings that may trigger another virus outbreak,” mungkahi pa ni Velasco.
Samantala, alinsunod sa kanyang ‘pro-environment advocacy’, umapela rin si Velasco sa mga kasamahan niya sa Lower House na gumamit ng ‘eco-friendly’ materials sa gagamitin nilang campaign paraphernalia.
“During our campaign, I hope we can cut down on plastic or tarpaulin and paper waste. Let us prevent a mountain of trash during election day,” dugtong niya. ROMER R. BUTUYAN