SOLUSYON ANG KAILANGAN HINDI PAMUMULITIKA

MASAlamin

ANG naranasang sunod-sunod na bagyo na nagdulot ng higit na P10 bilyong pinsala sa impraestruktura at agrikultura ay nag-papakita ng kahinaan ng bansa sa pag-responde sa mga kalamidad. Tulad sa kinakaharap na pandemya, malaki ang papel na ginagampanan ng Kongreso sa pag-busisi ng mga kasalukuyang batas, paglalaan ng pondo at pagsuri ng implementasyon ng mga ahensiya sa kanilang mga programa.

Naghahanap ang ating mga kababayan ng masasandalan at malinaw na tugon sa gitna ng mga ganitong pagsubok.

Tanong ng taumbayan, ano ang maasahan natin sa bagong liderato ng Kamara?

Sa gitna ng malalang epekto sa kabuhayan at pagkasira ng mga bahay sa maraming probinsyang natamaan ng bagyo, ang unang inatupag ay ang pagbalasa sa mga opisyal sa Kamara. Nasibak ang ilang Deputy Speaker sa Kamara at pinuno ng House Electoral Tribunal contingent na pinaniniwalaang ka-alyado ng dating Speaker.

Ilan sa natanggal sa kani-kanilang puwesto sa Kamara ay sina Batangas 2nd District Representative na si Raneo “Ranie” Abu (NP), Laguna 1st District Representative na si Dan Fernandez (NUP), Capiz 2nd District Representative na si Fredenil Castro (NUP) at Kabayan Partylist Representative na si Ron Salo. Kung hindi namatay si Cong. Raul del Mar (LP) kamakailan, nakatakda na rin niyang palitan si Deputy Speaker Pablo John Garcia (NUP) sa pagbabalik ng sesyon.

Hindi ba maituturing na kaalyado ni Pangulong Duterte ang mga opisyal na ito kaya pinalitan? Tumulong din naman ang mga sinibak na opisyal na ito para maging mahusay ang performance ng  Kamara noong nakaraang First Regular Session. Sa halip na pangunahan ng bagong Speaker ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa loob ng Kamara, parang kabaligtaran ang nangyari.

Walang dahilan para mamulitika ngayon dahil napakaraming nagugutom, nasiraan ng pananim, nawalan ng bahay at kabuhayan.

Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin kampante si Speaker Velasco na buo ang suporta sa kanya ng mga kasamahang kongresista?

Bukod sa pagpapalit ng mga Deputy Speaker at ilang opisyal, nag-patawag ng imbestigasyon tungkol sa pagbaha sa Luzon ngunit nakasentro ito sa sinasabing kakulangan ng National Irrigation Administration (NIA) tungkol sa pagbubukas ng “spillway gates” ng Magat Dam.

Ilang araw na ang nakalipas at marami na ang report na lumabas tungkol dito. Nagpaliwanag na ang NIA at iba pang ahensiya sa mga naging problema bago pa tumama ang Bagyong Ulysses. Nagmungkahi na rin si Secretary Eduardo

Ano na dapat sa halip na isang ahensiya lang ang madesisyon ay makakabuting National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mag-apruba ng pagpapalabas ng tubig.  Kahit ang Malacañang ay naglabas na rin ng pahayag ukol sa posibleng pagsampa ng kaso sa mga pamunuan ng Magat Dam. Ayon kay Secretary Roque, mahirap mapatunayan ang liability nila dahil maraming ibang dahilan na nakapagpalala ng pagbaha.

Bakit hindi imbestigahan ng grupo ni Velasco ang mga illegal logging at illegal mining na tahasan sa maraming lugar na binaha? Tila may pino-protektahan ata ang ating mga mambabatas?

Dapat pagtuunan ng pansin ang mas malalim at matagal ng problema na paglabag sa mga environmental laws.

Kung seryoso talaga ang grupo ni Velasco sa paghanap ng solusyon, di sila mag-aatubili kahit tamaan ang mas malalaking negosyante o mga matataas ng politiko mismo.

Sa Senado naghain din na kaparehas na resolusyon ang ilang senador na sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Senador Risa Hontiveros, Senador Imee Marcos.

Walang mararating kung sisihin natin lamang ang pamunuan ng Magat Dam at lokal na opisyal na nagkaroon ng pagkukulang sa pagtugon sa kalamidad.

Nakakaumay na ang pagkakaroon ng mga imbestigasyon sa Kamara at Senado. Sa mga nakaraang pagkakataon, ang mga imbestigasyon ay nagmimistulang isang circus na pinapagpiyestahan ng media at maraming oras lang ang nasasayang. Kadalasan ay puro sisihan lamang at batikusan ang nangyayari pero sa dulo ay wala ring naidudulot na kongkretong bagay para sa ating mga kababayan. Bukod dito, gaano katagal naman maghihintay ang mga naghihikahos nating kababayan sa Cagayan, Isabela, Rizal Bulakan at iba bang probinsyang nabaha?

Lahat na lang ng bagay ay pinupolitika at hinahanapan ng dahilan para ipakita ang kahinaan ng mga programa ng kasalukuyang administrasyon.

Comments are closed.