SOLUSYON NG MMDA SA KAMOTE RIDERS

Haaay. Salamat naman at may isang ahensiya ng gobyerno na nakapag-isip upang maturuan ang mga pasaway ng mga gumagamit ng motorsiklo sa lansangan. Ilang beses ko ng isinusulat sa aking kolum tungkol sa mga tinatawag na ‘KAMOTE RIDER’ na tila sila na ang pumalit sa mga jeepney driver bilang ‘King of the Road’.

Aba’y sigurado ako na hindi lamang ako ang nag-iisa sa mga naiinis sa mga pasaway na nagmomotorsiklo na bumabaybay araw araw sa ating mga lansangan. Teka ha? Hindi ko nilalahat. Tulad din ng mga ibang motorista, kung drayber ng pribado o pampublikong sasakyan, may mga pasaway rin sa pagmamaneho.

Subalit sa mga gumagamit ng motorsiklo, marami sa kanila ay may kakulangan sa wastong edukasyon sa paggamit ng ganitong uri ng sasakyan. Bakit? Dahil napakadaling matuto mag-motor. Mura pa ang halaga nito kaya abot kaya ng masa.

Ang problema lamang dito ay maraming mapusok na hindi na kumukuha ng lisensya mula sa LTO. Kung meron man, tiyak ay hindi dumaan sa wastong pagsusulit o examination. Inareglo lang ito sa loob ng LTO. Tama ba ako o mali?

Kaya makikita ninyo sa YouTube at sa iba pang social media, ay halos araw-araw na may nati-tiketan ng mga traffic enforcer ng MMDA ang mga pasaway na motorcycle riders. Walang helmet, nakatsinelas, walang side mirror at heto pa…walang rehistro!

Ayon sa datos ng MMDA Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) lumalabas na ang motorsiklo ang may pinakamataas na aksidente na nagreresulta sa pagkamatay, 38% o 224 na indibidwal ang nasawi sa total na 590 na katao. Tumaas din daw ang bilang ng mga namatay sa aksidente sa pagmamaneho ng motorsiklo sa 2020 na nagtala ng 253 at 295 noong 2021. Dyuskupo!

Batay rin sa 2018 Global Status Report on Road Safety ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ay nasa ika-11th sa 75 na bansa na marami ang nasawi dulot ng aksidente sa lansangan. Lumabas na may 10,012 ang mga nasawi sa aksidente sa kalsada at 4.7% ay mga drayber ng motorsiklo o tricycle.

Kaya naman natutuwa ako ng inanunsiyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes na plano nilang magtaguyod ng isang Motorcycle Riding Academy na magtuturo ng isang Safety Training Course module para sa mag baguhan na gagamit ng nasabing sasakyan at ganun din sa mga kasalukuyan na nagmamaneho ng motorsiklo. Kasama na rin ang pagtuturo ng mga iba’t ibang road safety laws, rules and regulations sa paggamit ng motorsiklo; driving skills upang makaiwas sa aksidente at marami pang iba na kaugnay sa pagmamaneho ng motorsiklo. Kasama rin daw sa kanilang plano ay ang basic emergency response training kung sakaling may naabutan silang aksidente sa lansangan.

Dagdag pa ni Chairman Artes, ang nasabing Motorcycle Riding Academy ang magiging sentro ng edukasyon na magbibigay ng maayos na kaalaman sa wastong pagmamaneho ng motorsiklo. “The Academy would provide riders with formal training on both theoretical and practical aspects of motorcycle riding. Through this Motorcycle Riding Academy, we aim to further promote road safety, particularly to our motorcyclists who are very much at risk to road mishaps. It’s a good opportunity for them to refresh and hone their riding skills and to provide first aid to people who will encounter unexpected road accidents,” ang pahayag ni Artes.

Pero heto ang magandang balita mula kay Artes. Para sa mga interesado sa nasabing training sa kanilang itataguyod na Motorcycle Riding Academy, ito po ay libre at bibigyan pa sila ng certification sa kanilang pagtatapos ng lectures, practical application at Basic Emergency Response Course.

Kasama sa lecture ay ang Motorcycle Riding Courtesy, Motorcycle Orientation, Road Traffic Rules and Regulations at Motorcycle Safety Laws. Samantala, may simulation exercises din sa Preparing to Ride, Common Riding Situations, MC Safety Driving Demonstration at Motorcycle Basic Riding Course.

Sa totoo lang, magandang pagkakataon ito para sa riders ng GRAB, JoyRide, Angkas at iba pang tinatawag na mga ride-hailing apps. Ito ay para sa kanilang kaligtasan at sa mga planong gawing hanapbuhay ito, mas madali kayong kunin ng mga nasabing ride-hailing apps para sa pangkabuhayan.

Maganda ang plano ng MMDA. Kung ito ay matuloy, tiyak ay magandang solusyon ito upang mabawasan o kaya naman ay mawala na ang mga KAMOTE RIDERS sa lansangan. Mabuhay ka Chairman Don Artes!