NGAYON na dapat umpisahan ang pagpupunyagi para gamitin ang nuclear at renewable energy upang matugunan ang problema ng mga brownout sa bansa.
Ito ang Iginiit ni Senador Robinhood ‘Robin’ Padilla dahil sa mahabang proseso ng pagpaplano at pagtatayo ng mga power plant lalo na kung maselan ang teknolohiya na gagamitin dito.
“Kasi ang preparation pa lang niyan, ang tagal na. ‘Di naman po iyan pag-uusapan natin ngayon bukas magtatayo tayo ng nuclear power plant. Ang habang study niyan, kailangan niyan alamin pa natin kung saan ilalagay para ‘di matamaan ng fault kasi kung mamaya pabigla-bigla tayo kung saan ilalagay iyan, yun pala sa ilalim noon may fault,” diin ni Padilla sa panayam nitong Huwebes.
“Pero kailangan na natin ngayon dahil ang issue ngayon mataas ang koryente, kulang ang pagdala ng koryente sa tao. Ang solusyon lang po talaga diyan nuclear power plant,” dagdag pa niya.
Aniya, kung nagamit lang ang Bataan Nuclear Power Plant na itinayo noong 1970s at hindi ito naging “casualty ng politika,” wala na sanang problema ang bayan sa koryente.
Sa kabilang dako, binigyang-diin ni Padilla na kailangan din ng foreign investment ang proyekto tulad ng nuclear plant, kung kaya maaaring kailanganing rebisahin ang Saligang Batas para magkaroon ng mas maraming foreign investments. “Kailangan natin talagang baguhin,” aniya.
VICKY CERVALES