PINAG-AARALAN na ngayon ng pamunuan ng PNR kung paano sila makakaagapay sa gastusin kapag epektibo na ang libreng sakay para sa mga estudyante sa mga linya ng tren na ipinatatakbo ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Celeste Lauta, Assistant General Manager ng PNR, diesel ang nagpapatakbo sa kanilang mga tren at napakataas ng presyo nito sa merkado.
“Kinokonsidera po ng PNR ngayon yung cost implication ng libreng sakay dahil naka- diesel po ang gamit ng mga tren ng PNR, kaya nag- iisip din po kami kung paano matutugunan ang fuel requirement ni PNR, kasi po ‘yung fare ride po natin at magiging libre sa mga estudyante,” pahayag ni Lauta.
Paliwanag pa nito na ang kita ng PNR ay ginagamit sa suweldo ng mga empleyado at iba pang gastusin sa operasyon, hindi gaya ng MRT 3 na pinopondohan ng gobyerno.
“Yung revenue po natin ginagamit sa pagpapasahod sa mga empleyado, hindi po katulad ng MRT na may guarantee po sila na may subsidy galing sa gobyerno, hindi gaya si PNR, ‘yung kinikita po ay pampasahod at sa iba pang kailangang pondohan gaya ng mga operational cost na piyesa ay iba pa,” paliwanag pa ni Lauta.
Sinabi pa nito na suportado naman nila ang libreng sakay at hinihintay nila ang aktwal na kopya ng memorandum para rito. Beth C