KAPAG holiday o kung may pupuntahan tayong pagtitipon, isa lang ang inaasam-asam ng marami sa atin—mapababae man iyan o lalaki, at iyan ang maging presentable ang hitsura. Kaya nga’t pinaghahandaan ng marami sa atin ang bawat lakad o party na pupuntahan ngayong holiday—mula sa outfit hanggang sa makeup at ayos ng buhok.
Hindi nga naman kasi natin pinalalampas ang pagiging presentable at maayos sa harap ng ating kaibigan o kamag-anak lalo na kapag holiday at minsan lang na nagkikita-kita. Siyempre, gusto nating maging maayos ang ating kabuuan sa natatanging okasyon.
Ngunit kung minsan ay may mga nangyayaring hindi inaasahan, gaya na lamang ng pagkakaroon ng pimple.
Alam naman nating bigla-bigla kung sumulpot ang pimple. At kapag nandiyan na iyan sa mukha natin, panira na sa look natin. May ilan pa naman na kapag tinubuan ng pimple, feeling nila ay ang pangit-pangit na nila.
Oo nga’t puwede rin namang itago ang pimple sa pamamagitan ng paggamit ng concealer o makeup. Pero mas mainam pa rin na mawala ito ng tuluyan kaysa sa ang itago lang.
Kaya naman, sa mga pinaghahandaang lakad diyan at biglang may tumubong pimple sa mukha, narito ang ilan sa tips na puwede ninyong subukan:
GUMAMIT NG FACIAL WASH
Lumalabas ang pimple kapag marumi ang ating mukha. Kaya naman isa sa dapat nating gawin ay ang panatilihin itong malinis. Huwag na huwag hahawakan ang mukha kapag marumi ang kamay. At higit sa lahat, huwag titirisin. Makatutulong din ang paggamit ng facial wash kaysa sa sabon lang para luminis ang ating mukha.
KUMUHA NG ICE AT IPAHID SA MUKHA
Kung may importante kang pupuntahan at biglang may lumabas na pimple, kumuha ng ice at ipahid nang dahan-dahan sa apektadong lugar o sa lugar na may pimple. Makatutulong ito upang lumiit at mawala ang pamumula.
GUMAMIT NG PIMPLE FIGHTING GEL
Makatutulong din upang kaagad na mawala ang iyong pimple kung gagamit ka ng pimple-fighting gel. Sa ngayon, marami na ang mabibiling overnight pimple fighting gel sa mga tindahan. Piliin lang ang pimple fighting gel na may salicylic acid at glycolic acid para mag-dry kaagad at mawala ang pamumula.
SUBUKAN ANG PAGGAMIT NG LEMON AT TEA TREE OIL
Isa pa sa magandang remedy sa pimple ay ang paggamit ng lemon at tea tree oil. Mayaman ang lemon sa vitamin C na tumutulong upang matuyo kaagad ang pimple. Siguraduhin lang na fresh lemon juice ang gagamitin. Ang gawin lang, kumuha ng bulak at i-dip ito sa fresh lemon juice at i-apply sa pimple bago matulog.
Ang tea tree oil naman ay may antibacterial properties na nakatutulong para mapatay ang bacteria na nagiging dahilan ng pimple. Nakapagpapa-dry rin ito ng black heads at white heads. Para naman sa paglalagay ng tea tree oil, kumuha lang ng bulak at i-dip ito sa tea tree oil at saka ipunas sa apektadong lugar. Hayaan lamang itong nakababad sa loob ng 20 minutes. At pagkalipas ng 20 minutes, banlawan na ang mukha.
ALAGAAN ANG SARILI
Importante rin na naaalagaan natin ang ating sarili upang mapanatili itong healthy. At kapag sinabi nating alagaan ang sarili, kabilang diyan ang pagpapahinga ng tama, pag-eehersisyo at ang pagkain ng mga masusutansiyang pagkain. Iwasan din ang pagpupuyat.
Maraming dahilan ang pagkakaroon ng pimple. Gayunpaman, kung magiging maingat tayo sa ating sarili, hindi tayo magkakaroon ng problema lalong-lalo na ang pimple.
Abalang-abala ang marami sa atin ngayong paparating na holiday. Pero sa kabila nito ay maging maingat pa rin tayo sa ating sarili nang mapanatiling healthy at flawless ang ating skin lalo na ngayong holiday.
Comments are closed.