SOLUSYON SA WATER CRISIS ISAMA ANG LGUS – TOLENTINO

FRANCIS TOLENTINO

DAPAT  katuwang ng gobyerno ang lokal na pamahalaan sa opisyal na pagtugon sa krisis sa tubig, ayon kay senatorial candidate Francis Tolentino.

Sang-ayon din si Tolentino sa panukalang “apex water body” upang maging tagapag-ugnay sa pangangasiwa ng lahat ng gawaing may kaugnayan sa tubig ngayon, ngunit iginiit nito na kailangang bigyan ng poder ang mga lokal na opisyal para maigarantiya ng mga ito ang kasapatan ng tubig sa kani-kanilang mga nasasakupan.

“Kagaya ng alin mang mga usapin sa bansa, pagtugon man ‘yan sa sakuna o sa peace and order, ang pakiki-ugna­yan sa pagitan ng national gov-ernment at ng ating mga LGU ay mahalaga upang magarantiya na ang problema ay agarang matugunan,” giit ng dating alkalde at Metro Manila Devel-opment Authority (MMDA) Chairman.

Binanggit din ni Tolentino ang resulta ng isang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng National Water Resources Board (NWRB) noong 1998 na nagsasabing si­yam na lungsod sa bansa, kabilang na ang Metro Manila, Davao, Baguio, Angeles at Bacolod, ay dumaranas na o dadanas ng kakulangan sa tubig pagdating ng taong 2025 dahil sa pagkasira ng mga pagkukunan ng ­suplay, paglobo ng populasyon, at mabilisang urbanisasyon.

“Ngayon pa lang, nararamdaman na ang problema sa Maynila. Kailangan natin na puspusang pagtrabahuan ito upang matiyak na ang problemang ito ay hindi tatama sa iba pang mga siyudad sa bansa.”

“Kailangan talaga mag-usap at magtulu­ngan ang LGUs at national government. Nagsabi na ang ilang eksperto na ang tubig ay isang lokal na usapin na nangangailangan ng isang lokal na pagtugon. Bilang isang dating mayor, batid ko na ang unang tinatakbuhan ng tao kapag may problema sa suplay ng tubig ay ang mayor,” paliwanag pa ni Tolentino.

“Kaya dapat ituring ang mga LGU bilang katuwang dahil sila naman talaga ang nasa harap ng labang ito.”

Isa umano sa kanyang mga prayoridad kapag nahalal sa Senado, ayon kay Tolentino, ay ang pagtitiyak na lahat ng batas ay nagsasa­alang-alang sa papel ng mga lokal na pamahalaan.

Ibinunyag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles noong nakaraang linggo matapos ang High-Level Interagency Meeting on Water Security na dala-wang panukalang batas ang nakatakda nilang iendorso sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC). Isa rito ay ang paglikha ng isang ahensiya na “magsisilbi bilang pinakamataas na tanggapan na tutugon sa pangangailangan ng sektor ng tubig at pagkukunan nito.”

“Sisiguruhin din nito ang mabisang paraan ng alokasyon ng mga pagkukunan ng tubig sa iba pang mga sektor,” ayon sa opisyal ng Palasyo.

Comments are closed.