NAPAKAGANDA ng talumpati o ulat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa mamamayan. Tuloy-tuloy ang digmaan laban sa droga na tunay namang bilyon-bilyong pisong halaga na ng illegal drugs ang na-intercept at nakumpiska ng awtoridad.
Hiniling din ni PRRD na nawa’y ang mga human rights advocate ay magprotesta rin laban sa druglordism, drug pushing at drug using sa bansa na, aniya, ay sumisira ng mga buhay, pamilya, relasyon at kinabukasan.
Dahil dito, kanyang idiniin na siya ay hindi pro-human rights kundi pro-human life.
Hiniling din niya sa kanyang mga kaibigan na kanyang itinalaga sa gobyerno na pangalagaan ang kanilang pagkakaibigan sa pamamagitan ng pag-iwas sa tukso ng korupsiyon na, aniya, ay isang linta na sumisipsip sa kaban ng bayan at sa morale ng mga manggagawa sa pamahalaan.
Sinigurado rin niya na pipirmahan niya ang Bangsamoro Basic Law na maisasabatas sa loob ng 48 oras, habang ipinaaalam niya na pinatataas ng kanyang administrasyon ang pondo na napupunta sa Mindanao. Sinisiguro rin niya ang kapayapaan sa Mindanao at patuloy niyang sasawatain ang mga teroristang grupong nagnanais magkaroon ng base roon.
Sa international relations ay ginagarantiya niya ang pagpapanatili ng ating independent policies, at ang ating relasyon sa ibang bansa ay nag-uugat sa pagtutulungan at respeto sa Filipinas ng iba’t ibang bansa.
Kasabay nito ay kanyang idiniin na guguwardiyahan niya ang ating mga karapatan at interes sa West Philippine Sea.
Ukol naman sa end of contractualization, hiniling niya sa Kongreso ang pagpapasa ng batas na magbabawal sa contractualization. Samantala, kanyang ipinase-setup ang farmers’ trust fund para naman sa mga coconut farmer sa bansa.
Nanindigan din si PRRD na nararapat na ibalik ang environmental integrity sa bansa, nauna na ngang nasampolan ang Boracay. Pinapapasa rin niya ang National Land Use Act sa Kongreso na tutugon sa pagprotekta sa kalikasan at ecology.
Binigyang-diin ni PRRD na ang environment ay top priority sa kanyang administrasyon, habang kanyang binalaan ang mga mining company na isaayos ang kanilang practice at isaayos ang kanilang mga sinira sa kalikasan.
Hinihimok din niya ang Kongreso na magpasa ng batas na lilikha sa Department of Disaster Management upang makatugon sa oras ng natural disaster.
Samantala, ang TRAIN Law, aniya, ay tunay na kailangan ng bansa at may isusumite pa siyang apat na pakete ng TRAIN Law na kanyang ipinakikiusap sa Kongreso kung saan bababa ang babayarang tax ng micro, small and medium enterprises upang makalikha pa ng mas maraming trabaho. Binalaan naman niya ang mga rice cartel na kakaharapin ang buong puwersa ng pamahalaan kapag hindi sila nagbago.
Pinapa-prioritize din ng Pangulo ang Universal Health Care bill na sasagot naman sa pangangailangang pangkalusugan ng lahat ng mga Filipino.
Sa usapin naman ng federal constitution, naniniwala ang Pangulo na akma sa pangangailangan ng bansa at ng bawat Filipino ang mga probisyong inilatag sa draft na inihanda ng kanyang constitutional committee na pinangungunahan ni retired Supreme Court Justice Renato Puno.
Comments are closed.