SONA NI PBBM, HATID AY PAG-ASA

Joe_take

TILA magiging aktibo ang partisipasyon ng pribadong sektor sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil sa dami ng mga plano at programa ni Pangulong Ferdinand ’Bongbong’ Marcos Jr. para sa ating bansa.

Ito ay napakagandang balita sapagkat magiging panahon ito ng pagbangon, hindi lamang ng mga negosyo, kundi pati ng ating mga manggagawa at ng ating ekonomiya.

Sa pinakaunang State of the Nation Address (SONA) ng apangulo, inihayag niya ang pagpapatuloy at pagpapaigting sa mga proyektong imprastraktura na siyang itinuturing na “backbone” ng ating ekonomiya, kung saan mas hihikayatin ang partisipasyon ng mga pribadong kompanya sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program.

“The backbone of an economy is its infrastructure. The infrastructure program of the Duterte administration must not only continue but should also be expanded. I will not suspend any ongoing government projects as they have already shown to benefit the public that they already serve,” aniya.

Ayon sa Pangulo, nais niya pang dagdagan ang mga paliparan sa buong Pilipinas upang tuluyan nang ma-decongest ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na napakatagal nang nagsisilbi ng higit pa sa orihinal nitong kapasidad.

Paiigtingin din ang paggawa ng mga economic zone upang dumayo ang mas marami pang foreign investors, lalong-lalo na sa larangan ng medikal na isa sa mga napakahalagang pagtuunan ng pansin upang suportahan ang ating daan tungo sa pagpuksa sa COVID-19.

Palalakasin din ang manufacturing industry ng Pilipinas, pati na ang kalakalan, at hihikayatin ang pagbukas ng merkado para sa mas marami pang generic drugs upang mapababa ang presyo ng gamot sa ating bansa. Ayon sa Pangulo, mismong siya ang nakipag-usap sa mga manufacturer ng gamot upang babaan ang kanilang presyo sa merkado.

Ngunit ang lahat ng planong ito sa pagpapalakas ng negosyo at ekonomiya ay kailangang suportahan ng maaasahang suplay ng koryente sa ating bansa.

Kaya naman ayon sa Pangulo, palalawigin niya ang generation ng koryente mula sa renewable energy, at titingnan din ang posibilidad ng revival ng nuclear power system para sa ating bansa. Ang mga ito ang magsisilbing alternatibong pagkukunan ng suplay ng koryente lalo pa at nasa kritikal nang lebel ang Malampaya natural gas field.

Sa usapin naman ng buwis, plano ng Pangulo na mareporma ang sistema upang madagdagan ang kita ng pamahalaan habang inaayos muli ang gastos sa mga mas mahahalagang programa ng gobyerno.

Plano ring paigtingin ang industriya ng agrikultura kung saan pinakakilala ang Pilipinas sa pamamagitan ng paggawa ng national farm-to-market road at pagbibigay ng pautang upang magamit na pang-kapital ng mga magsasaka at mangingisda.

Bibigyan din ng prayoridad ang modernisasyon ng teknolohiya para sa ating mga magsasaka, sususpindehin ang pangongolekta ng land amortization, pati na ang mga bayad sa interes.

Isa pa sa mga kinagiliwan ng mga mamamayan ay ang planong pagtatalaga ng mga pampublikong ospital katulad na lamang ng lung center, kidney institute, at children’s medical center sa mga probinsya.

Ang buong Pilipinas ay inaasahang babangon mula sa mga plataporma at programang ito ng Pangulo para sa ating bansa, lalo pa at hindi na muling isasailalim ang Pilipinas sa lockdown upang mapuksa ang virus. Magiging kaabang-abang ang taong ito para sa ating lahat. Ngunit napakahalaga ng ating papel upang makamit ang mga ito. Bilang mamamayan, ibigay natin ang ating suporta sa pamahalaan.