NAIS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na repasuhin ang standard operating procedures (SOPs) para lumikha ng unipormado at pangkalahatang koordinasyon sa pagtugon sa mga sakuna.
Ito ay para sa mabilis na pagkilos sa pagresponde gayundin ang malaman kung ano ang gagawin.
“I think we have to review our SOPs when there’s a warning. So what do we immediately do when the alert is given to us? How do we preposition the things that we will need?” pahayag ni Marcos sa ginanap na Cabinet meeting.
Ginawa ni Marcos ang pahayag kasunod ng naganap na magnitude 7 na naitala sa northern Luzon noong Hulyo 27 batay sa datos hanggang Agosto 5 ay mayroon nang 11 katao ang nasawi.
Sinabi pa ni PBBM na dapat magkaroon ng satellite phones ang pamahalaan gayundin ang generators, at malinis na water kapag itinaas ang alerto.
“As we know, the very first thing that we have to deal with is really communication, to find out what’s going on where, and then doon na tayo makapag-assess, saan natin uunahin,” ani ng Pangulo.
“Ang experience ko, the first thing you have to do is communicate with the local government official,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
Tinalakay rin ng Pangulong Marcos ang paggamit ng airlift assets para sa disaster response.
“[Dapat nandyan ‘yung] mga tropa natin na gagamitin natin na makakapasok to clear,” ani PBBM.
Kinilala rin ni Marcos ang kahalagahan ng mga engineer dahil malaki ang maitutulong ng mga ito para sa clearing operations at pagtatayo ng temporary structures.
Sa panig naman ng disaster preparedness, magugunitang nabanggit na ni PBBM sa kanyang unang State of the Nation Address na nagpapanukala ng pagsasabatas ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps at National Service Training Program na naglalayong i-motivate, turuan, i- organize at i-mobilize ang mga mag-aaral para sa national defense preparedness, at kasama na roon ang disaster preparedness and capacity building para sa mga risk-related situations.
Sa kanyang pagbisita sa Abra na sentro ng magnitude 7 quake nitong Hulyo 28, binigyan diin ng Pangulo ang pangangailangan ng pagkakaroon ng water purifying systems para sa water supply kapag mayroong sakuna. EVELYN QUIROZ