SORPRESANG MOTOR HANDOG SA LOKAL KOMENTEYTOR SA BASKETBALL

ISANG lokal komenteytor sa basketball ang nasopresa dahil sa hindi inaasahang motor na ibinigay sa kanya ng isang negosyante.

Isang segundamanong Yamaha Mio Sporty ang handog ng negosyante sa 48-anyos na lokal komenteytor.

Halos maluha sa tuwa sa pangyayaring ito si Albert Arenas Ernia alyas “Igop”, residente ng Brgy. Kanluran sa Rosario, Cavite.Isang lokal komenteytor sa bayan na ito.

Habang kinilala naman ang batang negosyante na si Vincent Paul, may-ari ng Vince Garage.

“Madalas kong makita si Igop sa mga liga ng inter-brgy na siyang may hawak ng mikropono. Madalas nakikita ko siyang nakiki-angkas lang sa mga kakilala niyang may motor. Kaya naisip ko na bigyan siya ng motor,” kuwento ni Vincent Paul.

May kakaibang karisma ang boses ni Igop pagdating sa pagkokomentaryo sa basketball. Madalas siyang kinukuha sa mga paliga sa bawat barangay.

“Taos-puso ang pasasalamat ko kay Vincent Paul ng Vince Garage… Huwag sanang magbago ang pananaw niya sa pagtulong para sa mga katulad naming nangangailangan. God bless po and more power”, maluha-luhang kuwento ni Igop.

Si Igop ay binabayaran lamang ng P100 sa bawat laro.
SID SAMANIEGO