TULAD ng dating sikat na awitin ni Rico J. Puno, humingi na ng paumanhin si Pangulong Duterte sa kontrobersiyal na isyu na tinawag niya na “God is stupid”. Umani ito ng batikos at galit sa ilan nating mga mamamayan, lalo na ang sektor ng Simbahang Katolika. Sunod-sunod ang mga pahayag sa social media at makikita natin sa social media na may nag-post na “My God is not stupid”. Ito ay bilang pagprotesta sa sinabi ni Duterte.
Natalakay ko na ito noong panahon ng kainitan ng nasabing kontrobersiya. Sabi ko nga na maganda na ang baraha ng ating Pangulo sa sambayanan kung ang pag-uusapan ang pag-unawa sa kanyang estilo ng pananalita sa publiko. Kasama na rito ang hayagang pagbatikos niya sa mga opisyal ng Simbahan. Matatandaan na lantaran na nagkampanya ang Simbahang Katolika noong panahon ng presidential elections laban kay Duterte, subalit hindi sila pinakinggan ng kanilang mananampalataya at landslide ang pagkapanalo ng ating pangulo.
Maaaring dito nagsimula ang pagpuna ni Duterte sa Simbahang Katolika. Dagdag pa ni Duterte ay mapait ang kanyang karanasan sa mga Katolikong pari noong kabataan niya. Kaya tuwing may pahayag ang Simbahang Katolika kay Duterte sa pamamaraan ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad, sinusumbatan din niya ng mga maanghang na pananalita laban sa Simbahang Katolika.
Ngunit tila na nakita ng Palasyo na ang isyu sa pagtawag na estupido ang ating Diyos ay hindi madaling tanggapin ng mga Katoliko at Kristiyano sa ating bayan. Malamang gan’un din sa mga konserbatibong kapatid natin na Muslim na may respeto rin sa ating Diyos.
Kaya naman umaksiyon ang mga malapit na opisyal ni Duterte na makipagdiyalogo sa mga mahalagang lider ng iba’t ibang sektor ng relihiyon sa lipunan. Naunang nakipagdiyalogo si Duterte kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president and Davao Archbishop Romulo Valles.
Sumunod noong Martes sina Jesus Is Lord Church Worldwide founder and president Eduardo Villanueva.
Doon nagpahayag ng paumanhin si Duterte sa publiko tungkol dito. Sabi niya, “If it’s the same God, I’m sorry, that’s how it is. Sorry, God. I said sorry, God. If God is taken in a generic term by everybody listening then that’s well and good,” dagdag pa ng Pangulo. “But I only apologize to God and nobody else. If I wronged God, he would be happy to listen. Why? Because my God is all-forgiving. Why? Because God created me to be good and not bad,”.
Hindi kailangang humingi ng tawad si Duterte sa Simbahang Katolika o sa mga hindi sang-ayon sa kanyang nasabi. Tulad natin, tayo ay humihingi ng tawad lamang sa ating Diyos kapag tayo ay nagkasala. Maaaring humingi siya ng paumanhin sa mga taong nasaktan niya sa kanyang nasabi, subali’t hindi niya kailangang humingi ng tawad.
Siguro maaari na nating isarado ang isyung ito. Marami na ang sumawsaw sa nasabing isyu. Pati na ang ibang kilalang celebrities ay nagbigay na rin ng pahayag sa social media.
Humingi na ng patawad si Duterte. Sana naman ay tanggapin na natin. Sana ay may natutunan din ang ating pangulo sa insidenteng ito. Pangulong Duterte, marami sa amin ay naghahangad na magtagumpay kayo sa krusada ninyo na ayusin ang mga bulok na sistema sa ating lipunan. Karamihan pa rin ay suportado ang estilong kamay na bakal na isinasagawa ninyo laban sa katiwalian, korupsiyon, kriminalidad at sa ilegal na droga. Nararamdaman namin ito sa agresibong aksiyon ng ating PNP, MMDA, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno upang magkaroon ng tunay na pagbabago sa ating bansa. Kaya nananawagan ako sa sambayanan. Tanggapin na natin ang pahayag ni Duterte. Sorry na, puwede ba?
Comments are closed.