ANIBERSARYO kahapon ng pagliligpit kay Dr. Jose Rizal ng bansang Espanya sa pamamagitan ng mga asintadong mamamaril na mga Filipino mismo, diyan sa Bagumbayan na kilala natin ngayon bilang Luneta o Rizal Park.
Ika-123 taon na, mga kamasa, ng pagpatay ng mga lolo natin sa kanya, at ngayong taon na ito, malamang aminado ang ating superhero na siya ay naging bigo sa pagmamahal sa ating bansa, lalo’t higit sa ating henerasyon.
Hindi natin nakuhang protektahan ang kanyang monumento sa Luneta na nagsisilbing pag-alala natin at ng lahat ng henerasyon ng Filipino sa kadakilaang ipinakita niya para sa inang bayan. Nauna na ang rebolusyon na naging anak ng kanyang panulat ay nanganak pa ng pagkakanulo ng Filipino sa kapwa Filipino. Hindi ba’t kapwa Filipino ang nagpapatay kay Andres Bonifacio na siyang nanguna sa rebolusyon nang 1896?
Sa ika-123 anibersaryo ng kanyang pag-aalay sa inang bayan ng kanyang buhay ay naging saksi ang kanyang rebulto sa Luneta sa kapabayaan at korupsiyon ng mga apo ng kanyang tinangkilik na mga kababayan, na hinayaan na lamang lapastanganin ang kanyang alaala sa pamamagitan ng pagpayag o pagtahimik sa paglalagay ng isang ‘photo-bomber’ na gusali na walang kinalaman sa mga panahong iyon ng pakikibaka laban sa mga Kastila.
Simbolo ang nasabing ‘photo bomber’ na nakatayo na katabi na ng ating Pambansang Bayani sa mga larawan ng pagkakanya-kanya at korupsiyon ng ating henerasyon. Hindi malayo sa nangyaring ahasan sa pagitan ng mga Filipino noon, katulad ng pagpapapatay ni Emilio Aguinaldo kay Bonifacio.
Muli ay pinatay ng kapwa Filipino si Rizal, ngayon ay hindi na sa pamamagitan ng bala kundi sa pamamagitan ng paglapastangan at unti-unting pagbura sa kanyang imahe sa Luneta kung saan umagos ang kanyang dugo.
Hindi handa ang mga Filipino noong ika-19 na siglo para sa isang Rizal, at napatunayan nating hindi pa rin tayo handa sa isang Rizal magpahanggang ngayon. Marahil kaya naawa si Rizal sa mga Filipino, hindi lamang mangmang ang mga isip kundi pati ang mga puso, dahil kung may dunong sana ay bakit magpapagamit na pumatay sa kanya? Kung may dunong sana ang puso ay bakit nagpasilaw sa salapi at komersiyalismo upang patayin si Rizal muli?
Bigo si Rizal noon at muli ay bigo siya ngayon. Nagkatotoo ang mga hula ni Rizal sa kanyang nasulat na pinamagatang “Philippines: A century Hence.” Isa sa mga ito ay ang kanyang hula na pagpapaigting ng Estados Unidos ng kanyang puwersa militar at pangingialam sa Asya. Nahulaan kaya niya ang magiging kabiguan niya 123 taon matapos niyang ialay ang kanyang buhay?
Mas buhay pa ngayon ang alaala ni Rizal sa mga ibang bansa kung saan siya ipinagtayo ng rebulto dahil sa paghanga at respeto sa kanya bilang tao at propesyunal.
Dahil sa kamangmangan ng mga Filipino, hindi malayong isang araw ay may mall na sa Luneta (mayroon na pala), o mga perya (mayroon na rin pala), mga fastfood chain (mayroon na rin pala), mga bar (mayroon na rin pala) at mga motel (mayroon na rin pala).
Itama natin ang ating pangungusap: Sa gitna ng lahat, ako ay naniniwala na hindi naman magigiba ang rebulto ni Rizal diyan sa Luneta hindi dahil bilang pag-alala sa kanya, kundi kinakailangan ito sa timbangan ng komersiyo, upang pagkakitaan, kasama na riyam ang pasok ng pera sa turismo.
Mula sa aking henerasyon: Rizal, sorry ha.
Comments are closed.