SOSYAL ang dating ng programang Build Better More (BBM) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa socialized housing sector na dati-rati ay tinatamasa lamang ng upper income class.
Ito ang inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang personal na pagbisita sa lugar na pagtatayuan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) sa San Mateo, Rizal nitong nakaraang Martes.
“Masaya ako dahil hindi lang pala tirahan ng pamilyang Pilipino ang itinayo natin dito. May basketball court, swimming pool, clubhouse at iba pang amenities na dati’y makikita lang sa mga subdivision at condominium,” ani Romualdez sa kanyang talumpati matapos siyang ipakilala ni House Committee on Appropriations chairman Rep. Zaldy Co, na siyang responsable sa pagtiyak ng pondo para sa housing projects ng Marcos Jr. administration.
Kanyang idinagdag na bukod sa 4PH sa San Mateo, Rizal Housing Project ay Meron pang 170,000 housing units na itinatayo sa Metro Manila sa 55 na lugar.
“Ito ang pangarap ng ating Pangulo: Ang mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino. Ang mabigyan sila ng karapatang mamuhay nang may dignidad. Ang manirahan kayong lahat sa isang komunidad na payapa at ligtas,” pahayag ng lider ng Kamara na binubuo ng 316 kongresista.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar, ang nasabing proyekto ay bukod din sa libu-libong housing units sa Luzon, Visayas hanggang sa Mindanao, kabilang ang 20 ongoing projects currently in “various stages of construction and development.”
“Isa lamang ito sa napakaraming housing projects na ipinapatayo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa buong bansa. Malinaw po ang utos ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” diin ni Romualdez.
Ayon sa Speaker, nasusundan ng national government ang kanilang original target na makapagtayo ng 1 million housing units bawat taon hanggang sa matapos ni Pangulong Marcos Jr ang kanyang anim-na-taon na termino sa 2028.
“Ang kagandahan sa proyektong ito, ‘in-city resettlement’ ang ating ginagawa. Ibig sabihin, kung saang siyudad ka dati nakatira, doon ka rin hahanapan ng malilipatang bahay. Hindi natin inilalayo ang pamilya sa kanilang komunidad. Malapit pa rin sila sa kanilang trabaho at paaralan,” ani Romualdez.
Bukod sa “sosyal” na socialized housing ay meron din ibang magagandang progrqma ang Pangulo.
“Asahan niyo na hindi lamang Legacy Housing ang ihahatid sa inyo ng administrasyong Marcos. Nagpapahanap din siya ng pondo sa Kongreso para magtayo ng world-class Legacy Hospitals tulad ng Philippine Cancer Center sa Quezon City at Regional Specialty Hospitals sa mga pangunahing siyudad sa Pilipinas. Ang pangarap nating lahat, maipaabot ang serbisyo ng Heart Center, Lung Center, Kidney Center at Cancer Center sa bawat sulok ng bansa,” pagbubunyag ni Romualdez.
“Para sa seguridad sa pagkain, meron din tayong tinatawag na Legacy Food Security program upang tulungan ang mga mga magsasaka na mapalaki ang kanilang ani. Itutuloy din natin ang mga programa para bigyan ng ayuda ang mga nangangailangan.
Hindi po titigil ang Kongreso sa paglalaan ng pondo at paggawa ng mga batas. Gagawin natin ito para matupad ang pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. – ang mabigyan ng masaganang bukas ang bawat pamilyang Pilipino sa isang ligtas at payapang bansa,” diin ni Romualdez.
JUNEX DORONIO