SOTTO BINANGKO SA SUMMER LEAGUE OPENER NG MAGIC

KAI SOTTO.jpg

HINDI ipinasok ng Orlando Magic si Kai Sotto sa dapat sana’y debut game niya sa NBA Summer League, na nagtapos sa 78-89 pagkatalo sa Detroit Pistons sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada nitong Linggo.

Sa kabila na isa sa dalawang players lamang na nakalista bilang center sa lineup, ang 7-foot-3 na si Sotto ay binangko makaraang piliin ni coach Dylan Murphy na ipasok ang maliit at ginawang starter si power forward DJ Wilson, sa halip na sina Sotto at Robert Baker Jr.

Sa huli ay pinaglaro si 6-foot-11 Baker sa loob ng halos 15 minuto at tumapos na may 8 points, 2 rebounds, 2 assists, 1 block, at 1 steal.

Nagkumahog si Wilson na may 4 points — pawang sa free throws – na sinamahan ng 3 rebounds, 2 assists, 1 block, at 2 steals.

Nalimitahan ng Pistons ang Magic sa 13 points lamang sa third quarter at pinatahimik sa fourth.

Nanguna si Jalen Duren para sa Detroit na may 17 points, 8 rebounds, at 1 assist, habang nagdagdag si James Wiseman ng 16 points, 12 rebounds, 1 assist, at 2 blocks.

Pinamunuan ni Kevon Harris ang Orlando na may 21 points, 6 rebounds, 1 assist, at 2 steals.

Bukod kay Sotto, limang iba pa ang hindi ipinasok para sa Magic – Tyger Campbell, Dexter Dennis, Amauri Hardy, Drake Jeffries, at Au’Diese Toney.

Susunod na makakasagupa ng Magic ang Indiana Pacers sa parehong venue sa Martes ng umaga (PH time).