NAPANATILI ni Senate President Vicente Sotto III ang pagiging lider ng Mataas na Kapulungan matapos makuha ang boto ng mayorya sa pagsisimula ng sesyon ng 18th Congress kahapon ng umaga.
Isinagawa ang botohan sa pamamagitan ng “viva voce” o ang tinatawag na voice voting o sabay-sabay na pagboto.
Maliban kay Sotto, na-re-elect din sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Patuloy naman na pangungunahan ni Minority Leader Franklin Drilon ang opposition bloc.
Nag-abstain sa pagboto sina Drilon, Senators Risa Hontiveros at Francis Pangilinan para sa botohan sa pagkapangulo ng Senado.
Sa pagsisimula ng sesyon, binasa ang resulta ng May 13 elections at National Board of Canvassers resolution.
Pinangunahan din ni Sotto ang oath-taking ng mga bagong halal na senador na sina Senators Cynthia Villar, Grace Poe, Christopher “Bong” Go, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Aquilino Pimentel III, Ramon Bong Revilla Jr. at Nancy Binay.
Present ang 22 senador sa pagbubukas ng sesyon habang absent sina Senadora Leila de Lima na nakapiit sa PNP Custodial Center at Senator Manny Pacquiao na nasa Las Vegas pa rin matapos ang pagkapanalo kontra kay Keith Thurman.
Muli ring inihalal ng mga senador si Senate Secretary Myra Villarica habang si retired Major General Edgardo Rene Samonte naman ang pinangalanang bagong Senate Sergeant-at-Arms kapalit ni Jose Balajadia na nagbitiw sa posisyon bago yumao.
Sa Kamara ay opisyal nang idineklarang House Speaker si Taguig City Representative Alan Peter Cayetano matapos iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago maganap ang botohan sa plenaryo, nagpulong sina Duterte at Cayetano para ayusin ang desisyon ng mga kongresista.
Naging nominado rin sa posisyon ng House Speaker si Manila 6th District Representative Benny Abante Jr.
Nakakuha ng 266 boto mula sa 297 kongresista si Cayetano, samantalang 28 na boto kay Abante.
Una nang inirekomendasyon ng Pangulong Duterte na magkakaroon ng term-sharing o hatian sa termino sina Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco. VICKY CERVALES
MGA OPOSISYON SA KAMARA, BUMUO NG KOALISYON
Bumuo na ng koalisyon ang minorya sa Kamara para isulong ang genuine minority ngayong 18th Congress.
Nagkaisa ang ilang mga miyembro mula sa Partylist Coalition sa pangunguna ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, Makabayan Bloc sa pangunguna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Liberal Party sa pangunguna naman ni Quezon City Rep. Kit Belmonte na bumuo ng minority coalition.
Binuo ang koalisyon upang matiyak ang check and balance sa mga isinusulong na batas sa Mababang Kapulungan.
Ngayon ay nasa 26 na miyembro na ang bumubuo sa Minority coalition mula sa nasabing mga grupo at inaasahang madadagdagan pa ito.
Pipiliin naman ng Minority Coalition na iupo si Manila Rep. Benny Abante na nagbabalik Kongreso bilang Minority Leader.
Naniniwala ang mga kongresista na epektibo si Abante na fiscalizer ng Mababang Kapulungan. CONDE BATAC
Comments are closed.