SOURCE CODES NG TRANSMISSION ROUTER NAIDEPOSITO NA SA VAULT NG BSP

NAIPASOK na sa escrow o vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Final Trusted Build Source Code ng transmission router na gagamitin sa automated election system para sa May 9 national at local elections.

Pinangunahan ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan at BSP Governor Benjamin Diokno ang turn-over ng source codes ng  Election Results Transmission Services o transmission router, alinsunod sa Republic Act No. 9369.

Ang transmission router ay ang software na magta-transmit o magbabato ng mga resulta mula sa polling precincts patungong main server, back up server at transparency server.

Sinabi ni Commissioner Marlon Casquejo na ito na ang huling source codes na idedeposito sa BSP.

Naisalang na rin aniya sa testing ang transmission router at pumasa na ito sa modifications na ginawa para sa final trusted build.

Noong Pebrero ay  nai-turnover na ng Comelec sa BSP ang automated election system o AES source codes.

Bilang pagtitiyak ng seguridad ng source code, sinabi ni BSP managing director Rosabel Guerrero na tanging ang BSP lang ang makapagbubukas ng vault at hindi makakapasok ang Comelec kung wala ang BSP.

Pero kapag napasok na ang vault, hindi naman maaaring mabuksan ang compartment na pinaglagyan ng source codes kung wala ang Comelec.

Sinabi ng Comelec Chairman, ang mga source code ang puso at kaluluwa ng automated election system na mahalagang manatiling protektado sa ano mang panganib ng mani­pulasyon para sa isang may kredibilidad na eleksiyon. JEFF GALLOS