(Source ng substandard materials hahantingin ng PNP) MGA GUSALI PINASUSURI NG DILG VS THE BIG ONE

Eduardo Año

CAMP CRAME – INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) na suriin ang mga gusali at impraestruktura sa kanilang nasasakupan bilang paghahanda laban sa pina­ngangambahang major earthquakes.

Ang direktiba ni Interior Secretary Eduardo Año ang sentro ng press conference hinggil sa disaster resiliency na isinagawa sa Multi-Purpose Center sa loob ng Camp Crame kasama sina Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa, Sec. Mark Villar, Department of Public Works and Highways at Sec. Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry.

Binigyan ni Año ng 90 araw ang LGUs na isumite sa kanila ang structural assessmen ng mga gusali para matiyak na ligtas ang mga ito.

Ito aniya ay bahagi ng mga hakbang sa disaster resilience  alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2019-01  na naglalayong matiyak na ligtas at handa ang lahat sakaling maganap ang kinatatakutang malakas na pagyanig.

Katuwang din sa naturang hakbang sa ilalim ng Ensuring Safe, Adoptive and Disaster Resilient Communities, and Enhancing the Country’s Readiness against Earthquakes, ang DTI at DPWH.

Babala ng DILG, ang sinumang LGUs na mabigo na magsumite ay nahaharap sa criminal at administrative na magreresulta ng pagkatanggal nila sa tungkuli.

“This is more requiring the fast track of assessment,” ayon kay Año.

Sinabi naman ni Villar na may kabuuang 5,980 gusali ang kasalukuyang sinusuri sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon gayundin sa Central Luzon laban sa ‘Big One’.

Habang sa Metro Manila ay ikinasa na rin ang 23 retrofitting projects.

Samantala, nagpasaklolo naman ang DTI sa PNP sa kanilang gagawing surprise ins­pection sa mga nagbebenta ng construction materials suppliers, at manufacturers ng construction materials.

Hiniling din ni Lopez kay Gamboa na tulungan silang mahanap ang source ng substandard materials.

Babala ni Lopez sa mga warehouse at supplier na ang sinumang hindi sumuno ay mapapaso ang kanilang permit at makukulong din ang negosyante. EUNICE C.

Comments are closed.