MINDANAO- INIHAYAG ng Soccsksargen Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) na inilagay na ang rehiyon sa ilalim ng red alert kasunod ng magnitude 6.8 na lindol na naganap noong nakalipas Biyernes.
Ang red alert status ay nangangahulugan na ang lahat ng mga opisyal ng kalamidad sa rehiyon ay dapat mag-ulat sa kanilang punong tanggapan 24/7.
Ayon sa Department of Agriculture-DRRM Operations Center, nakaharang sa mga highway sa lalawigan ng Sarangani ang mga gumuhong lupa dulot ng lindol na naging hadlang sa paghahatid ng mga produktong agrikultural sa mga pangunahing pampublikong pamilihan.
Patuloy ding inoobserbahan ang mga bitak na semento sa mga fish landing sites sa bayan ng Malapatan.
Iniulat din ng sentro ang kabuuang 54 na napinsalang bangka na gamit sa pangisngisda sa General Santos City at lalawigan ng Sarangani.
“Bukod sa pangisdaan, wala pang naiulat na pinsala at pagkalugi sa mga kalakal at imprastraktura ng agrikultura na maaaring makahadlang sa sistema ng suplay ng pagkain,” ayon sa DRRM operation center.
Ang DA Regional Building sa Prime Regional Government Center, Carpenter Hills, Koronadal City ay nagpakita rin ng mga bakas ng pinsala mula sa lindol.
Hindi bababa sa pito ang naiulat na namatay, dalawa ang nasugatan, at dalawa ang nawawala dahil sa lindol. EVELYN GARCIA