SOUTH SUDAN NAITALA ANG KAUNA-UNAHANG PANALO SA FIBA WORLD CUP

NAIPOSTE ng debuting South Sudan ang kanilang kauna-unahang panalo sa FIBA World Cup sa ikalawang laro makaraang pataubin ang China, 89-69, nitong Lunes sa Araneta Coliseum.

Umangat ang South Sudan sa 1-1 habang ipinalasap sa China ang ikalawang sunod na kabiguan sa Group B.

Muling nagbida si Carlik Jones ng Chicago Bulls para sa South Sudan sa pagkamada ng 21 points, 6 assists, at 2 rebounds habang nag-ambag si Kuany Ngor Kuany ng 16 points, 4 dimes, at 2 steals, kung saan nakabawi ang koponan sa pagkatalo sa Puerto Rico noong Sabado.

Tumipa sina Nuni Omot at Marial Shayok ng 14 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.

Bumawi si Minnesota Timberwolves’ Kyle Anderson mula sa scoreless showing sa naunang pagkatalo ng China sa Serbia sa pagbuhos ng 22 points, 5 rebounds, 3 assists, at 2 steals.

Sinamahan ng China ang Pilipinas bilang dalawang Asian teams na may 0-2 record sa torneo. Ang dalawang koponan ay nasa karera upang maging top Asian team sa torneo, na siyang makakakuha ng tiket sa 2024 Paris Olympics.

Susunod na makakaharap ng South Sudan ang Serbia sa Miyerkoles habang makakasagupa ng China ang Puerto Rico.