SPANISH FILMFEST SIMULA SA OCTOBER 5

SA darating na ika-5 ng Oktubre ay bubuksan ang Pelicula>Pelikula Film Festival, isang pagtatanghal ng mga pelikula sa wikang Espanyol.

Itinanghal ito online nitong nakaraang dalawang taon dahil sa pandemya, ngunit sa taong ito ay magkakaroon ng face-to-face na pagpapalabas. Hindi pa rin naman mawawala ang online screening sa website na www.pelikula.org

Ang libreng festival ay bubuksan sa ganap na alas-5 ng hapon sa Shangri-La Plaza Red Carpet Cinema sa Mandaluyong. Magkakaroon ng mga palabas hanggang sa ika-16 ng Oktubre. Lahat ng araw mula ika-5 hanggang ika-16 ay may pagtatanghal ng mga pelikula sa Shangri-La Plaza venue. Ngunit sa ika-10 hanggang ika-12 ng Oktubre, ang palabas ay gagawin sa Instituto Cervantes de Manila sa Intramuros. Sa ika-13 naman, sa UP Film Institute ito magaganap. Alas-dos y media ng hapon, alas-singko, at alas-siyete y media ng gabi ang mga oras ng palabas. Maaaring makita ang mga titulo ng pelikula pati na ang buod ng mga ito sa website na manila.cervantes.es

Ang mga pelikula na ipalalabas online ay maaaring panoorin mula ika-11 hanggang ika-14 ng Oktubre sa ganap na alas-kuwatro at alas-sais ng hapon.

Mula sa mga pelikulang ipalalabas sa festival, maaaring pumili ang mga manonood ng kanilang mga paborito. At maaaring iboto ito upang magkaroon ng pagkakataong makatanggap ng Audience Choice

Award. Maaaring bumoto online o sa sinehan.

Sa huling araw ng festival, ika-16 ng Oktubre, magkakaroon ng pagpapalabas ng pelikula na mahihirang bilang 2022 Audience Choice Award.