IIMBITAHAN ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang lahat ng oil players sa bansa para hanapan ng solusyon ang halos lingguhang oil price hike na.
Ayon kay Speaker Romualdez, “The government is not insensitive sa sentimiyento ng mga mamamayan hinggil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang petrolyo”.
“Pagtaas kasi ng presyo ng petrolyo, lahat tumataas din pero syempre dikta din yan ng world market”, ani Romualdez.
“Isa pang problema ay mayroon tayong Oil Deregulation Law kaya tali ang kamay ng pamahalaan,” dagdag pa ng House Speaker.
Ayon pa sa mambabatas gusto niyang marinig ang suhestiyon ng oil companies kung papaano o ano ang dapat gawin ng gobyerno at oil players para maibsan naman ang paghihirap ng taumbayan.
“Ayaw natin diktahan sila. We want to hear from them ano ang maitutulong nila o ambag para sa mga kababayan nila”, dagdag pa nito.
Ayon pa kay Romualdez, “alam naman ng lahat na old stock pa ang binibenta nila sa mga gasolinahan, and yet ipapataw na nila agad yung price increase ng world market gayong hindi pa dumarating sa ating bansa yung supply na yun na may increase na”.
“Mas maganda na magtulungan na lang ang mga oil players at ang gobyerno kung papaano mabawasan itong paghihirap ng taumbayan”, dagdag pa ni Romualdez.
Pahabol pa ng mambabatas, may mga panukalang batas na sa Kongreso para rebyuhin ang Oil Deregulation Law kung angkop pa ba ito sa panahon ngayon.