MAGPAPATAWAG si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng isang emergency meeting ngayong Lunes, kasama ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG), upang talakayin ang sunod-sunod na high-profile crimes sa bansa.
“Nakakabahala na dahil parang halos every week may malaking balita tungkol sa mga napapatay sa kalye,” ayon kay Speaker Romualdez.
“Gusto natin malaman sa PNP at DILG kung ano ang mga hakbang na ginagawa nila upang pigilan ang mga ganitong uri ng karumal-dumal na krimen,” aniya.
“The way it looks, mukhang pulitika ang motibo sa mga ambush kamakailan dahil mga politicians ang biktima,” dagdaga pa ng lider ng Kamara.
“We will ask the police and the DILG, saan ang problema? Intelligence ba? Paano makakatulong ang Kongreso sa paglutas ng mga krimeng ito? ,” dagdag pa niya.
Nauna rito, isang alkalde ng Maguindanao ang malubhang nasugatan sa isang ambush sa Pasay City.
Noong Pebrero naman, isang business couple at kanilang kasamahan sa kotse, ang pinagbabaril rin sa Pasay City.
Binaril at napatay sa isang ambush ang bise alkalde ng Aparri, Cagayan.
Mapalad namang nakaligtas sa isa ring ambush si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong sa Maguindanao, ngunit sinawimpalad na bawian ng buhay ang kanyang apat na police escorts.