SPEAKERSHIP NI ROMUALDEZ AT PAMAMAHALA NI SEC. GARAFIL

UMUUGONG ang kudeta sa Kamara.

Gusto raw agawan ng kapangyarihan si House Speaker Martin Romualdez.

Ngunit itinanggi ni dating Pangulo at Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo na nagpaplano siya ng kudeta laban kay Romualdez.

Pinalitan kasi si GMA ni Pampanga 3rd District Representative Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr. bilang senior deputy speaker.

Tahimik na raw ang buhay ng dating Pangulo.

Malinaw raw na wala naman siyang balak makisawsaw sa anumang pamumulitika na maaaring makasira sa panawagang ‘unity’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang layunin lang daw niya ay suportahan ang legislative agenda nina Romualdez at Pangulong Marcos.

Siyempre, nagpadala rin ng mainit na pagbati si GMA sa kanyang kabalen na si Gonzales bunga ng bagong papel ng mama sa Kongreso.

Samantala, ramdam ng Malacañang Press Corps (MPC) ang magandang pamamalakad ni Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cheloy Valecaria-Garafil sa kanyang tanggapan.

Mula nang maupo sa PCO si Atty. Garafil, talagang nagiging smooth o harmonized na ang ugnayan nila ng mga mamamahayag.

Patas kasi ang treatment ni Atty. Cheloy sa mga taga-media, mapa-print, TV, broadcast o online platform man ang entity na bitbit nila.

Natatandaan ko pa nang opisyal silang maupo bilang PCO chief ay nangako si Garafil na magiging mabuting kalihim siya at ganyan nga ang ginagawa niya sa kasalukuyan.

“Tunay kayong inspirasyon upang mas lalo ko pang pagbutihin ang aking sinumpaang tungkulin. At sa ating mahal na Pangulo, Ferdinand Marcos Jr., maraming salamat Mr. President sa napakalaking karangalan na makapaglingkod sa inyo at kasama niyo para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Atty. Cheloy noon.

Kaya hindi ako magtataka kung magtatagal sa puwesto si Garafil at baka kunin pa nga itong kalihim ng mga susunod pang administrasyon.

Mabuhay po kayo at God bless!