SPECIAL EDUCATION FUND GAMITIN PARA SA LIGTAS NA PAGBABALIK ESKUWELA

Senador Win Gatchalian-3

ISUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) na inilalaan para sa mga local school board.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na layon nitong makatulong sa local school boards ang paggamit ng SEF para sa COVID-19 response efforts ng mga eskuwelahan upang mabigyan ng proteksIyon ang mga mag-aaral, mga guro, at kawani ng mga paaralan.

Ipinaliwang ni Gatchalian na sa ilalim ng Section 4 ng Bayanihan to Heal As One Act o Republic Act 11469, maaaring pahintulutan ng Pangulo ang pagpapalawig sa paggamit ng SEF bilang bahagi ng kanyang kapangyarihang magpatupad ng mga pansamatantalang emergency measures sa gitna ng krisis.

Bagaman hindi pa naglalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mga panuntunan kung paano maaaring gamitin ng mga paaralan ang SEF sa kanilang pagresponde sa nakamamatay na virus, ipinanukala ni Gatchalian na gamitin itong karagdagang pondo para sa localized testing ng mga guro, mga mag-aaral, at mga kawani. Kailangan kasi aniyang masiguro na walang sakit o hindi nahawaan ng COVID-19 kapag nagbukas na ang mga klase. Kailangan din aniyang malinis at na-disinfect ang mga paaralan, pati na ang lahat ng mga kagamitan na gagamitin sa edukasyon ng mga bata.

Sa pag-realign ng budget ng DepEd upang tugunan ang mga naging epekto ng COVID-19, ayon sa senador dapat maglagay rin ng pondo para sa information and communications technology devices na gagamitin sa distance learning, lalo na’t mababawasan ang face-to-face interaction sa mga classroom.

Panukala rin ni Gatchalian, maaaring gamitin ang SEF para maipambili ng mga disinfection materials at iba pang public health supplies tulad ng sabon, alcohol, mga thermometer, at sanitizer.

Dagdag pa nito, dapat ding maging prayoridad ang mga programa at aktibidad na layong magpakalat ng kaalaman tungkol sa COVID-19, pati na rin ang training o pagsasanay ng mga guro at mga kawani para sa emergency response.

“Ang paggamit sa Special Education Fund ang isa sa mga pinakamabilis na hakbang na maaari nating gawin upang mabigyan ng agarang tulong ang ating mga paaralan,” giit ng senador. VICKY CERVALES

Comments are closed.