SPECIAL EMERGENCY LEAVE SA MGA MAKARARANAS NG ADVERSE EFFECTS NG BAKUNA

PINAAAKSIYUNAN  sa lalong madaling panahon sa Kamara ang panukala na nagsusulong ng “special emergency leave” para sa mga kawani mula sa pribado at pampublikong sektor na makararanas ng side effects ng COVID-19 vaccines.

Sa House Bill 9152 na inihain ni Quezon Rep. Helen Tan, ang nasabing hakbang ay maaaring makapagpahikayat pa sa maraming empleyado at mga manggagawa na makibahagi sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Bagama’t ligtas at epektibo naman ang mga bakuna, ang mga eksperto na ang nagsasabi na maaaring may side effects ang mga ito na dapat ay ipahinga kahit sa loob ng ilang araw.

Malinaw na nakasaad sa panukala na hindi dapat ibawas ang special emergency leave sa iba pang leave credits ng empleyado.

Kaya kapag naging ganap na batas, maaaring ma-avail ang COVID-19 vaccine special emergency leave na “with pay” o babayaran ng employer kung makaramdam ng pananakit o pamamaga ng parte ng katawan na tinurukan; lagnat; pananakit ng katawan at ulo; fatigue; at iba pang side effects.

Kailangan namang makapagsumite ang isang empleyado ng sertipikasyon mula sa doktor o medical professional kung saan nakasaad na nakararanas nga siya ng side effects ng bakuna. Conde Batac